193 total views
Ang mga magulang ang dapat na magsilbing unang-unang kaibigan ng mga anak.
Ayon kay Rev. Father Conegundo Garganta, Executive Secretary ng CBCP Episcopal Commission on Youth, dapat maiparamdam ng bawat magulang sa mga anak ang pagtanggap at pag-agapay upang maiwasang sumandig ang mga kabataan sa ibang tao, paniniwala, prinsipyo at kilos na maaring maglihis sa kanila sa maling direksyon sa buhay.
Ayon sa Pari, dapat na magsanay ang bawat magulang at mga pamilya na mahikayat ang mga kabataan na manatili sa tahanan na siyang maituturing na pinakamabuti at ligtas na lugar para sa lahat.
“Unang-una sana ang mga magulang ay unang kaibigan para sa kanilang mga anak na nararamdaman na tanggap sila anuman ang kanilang katayuan at kalagayan, may suliranin o problema ang magulang ang unang-unang masasandigan o masasandalan bago pa ang mga kabataan ay sumandig sa ibang tao, o sa ibang paniniwala, o sa ibang prinsipyo, sa ibang kilos at sa ibang galaw. Sana ay magsanay ang mga magulang o bawat pamilya na mayroong malakas na atraksyon na ang kanilang mga anak ay makita ang kanilang tahanan na pinakamabuting lugar para maramdaman yung pagiging sila ay tanggap yung pagmamahal…”pahayag ni Fr. Garganta sa panayam sa Radio Veritas.
Paliwanag ng Pari, kakailanganin ang pagtutulungan ng buong lipunan upang mahubog ang positibong paglago ng pananaw ng mga kabataan.
Inamin ni Fr. Garganta na isang hamon hindi lamang para sa mga magulang kundi maging para sa Simbahan, paaralan, pamahalaan at iba pang sektor na makatutulong sa paghuhubong ng kabutihan ng mga kabataan.
Giit ng Pari, mahalagang maagang masanay sa mga pangunahing life skills ang mga kabataan partikular na ang tamang pagpili ng kaibigan at pag-iwas sa mga masasamang elemento at prinsipyo sa buhay na maaring makapagdulot ng masamang impluwensya.
Ginawa ni Father Garganta ang pahayag kasunod ng pagkamatay ng 17-taong gulang na si Kian Delos Santos, Carl Angelo Arnaiz, Reynaldo de Guzman at iba pang menor-de-edad sa madugong kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Nauna nang umapela ang Kanyang Kabanalan Francisco ng pangkabuuang pangangalaga at pagbibigay proteksyon sa mga kabataan sa buong mundo kung saan sa kanyang mensahe sa isinagawang World Youth Day sa Krakow, Poland ay binigyang diin nito na nakasalalay sa katapangan, kakayahan at kaalamang taglay ng mga kabataan ang pag-asa ng kasalukuyang lagay ng lipunan.
Samantala kasalukuyan namang pinaghahandaan ng CBCP – Episcopal Comission on Youth ang nakatakdang National Youth Day na isasagawa sa ika-6 hanggang ika-10 ng Nobyembre sa Zamboanga City kung saan inaasahang aabot sa 3,500 ang mga delegadong makikiisa mula sa 86 na mga diyosesis sa buong bansa at sa Federation of National Youth Organizations.