338 total views
Kayong mga bata ang maunang tumawag sa inyong mga magulang at sila’y batiin.
Ito ang paghikayat ni Balanga Bishop Ruperto Santos sa mga kabataan na malayo sa kanilang mga magulang o nagtatrabaho sa ibang bansa.
Ayon kay Bishop Santos, chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI), ito ay isang pagkakataon na tayo namang mga anak at mangamusta sa kanilang kalagayan kasabay na rin ng pagdiriwang ng Mother’s Day.
Paliwanag ni Bishop Santos na bilang pasasalamat at pagkilala sa kanilang pagpapakasakit na malayo sa pamilya para tiyakin ang mabuting buhay sa mga anak ay suklian ito ng pangako na hindi masasayang ang kanilang paghihirap.
“Sa pagtawag ibigay ang inyong pangako, Nanay, hindi kayo mapapahiya sa amin! Nanay ipagmamalaki mo rin kami,” ayon kay Bishop Santos.
Giit ng Obispo na anuman tayo ngayon ay malaking bahagi nito ay ang pagsisikap ng ating mga magulang.
Kaya’t marapat lamang na higit silang mahalin at kalingain sa panahon hindi na nila kaya pa ang maghanap buhay.
“Tayo ay magmahal sa kanila higit sa lahat sa pagkakataon na sila ay magkaroon ng edad, sila ay mabagal na sa paglakad, mahina na ang katawan, malabo na ang paningin, mahina ang pandinig higit silang mahalin, kalingain at pagpapahalaga. Palagi nating ipagmalaki na sila ang ating Nanay,” ayon pa kay Bishop Santos.
Base sa tala may 11 milyon ang kabuuang OFW sa iba’t ibang bahagi ng mundo na ang karaniwang dahilan ay ang pagtataguyod sa pamilya dahil sa kawalan ng oportunidad sa ating bansa.
At higit sa kalahating porsiyento ng mga OFW ay pawang mga kababaihan.