37,040 total views
Tiniyak ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang pagsusumikap ng Kalipunan ng mga Obispo ng Pilipinas na makapagsagawa ng mga talakayan at pagpupulong upang magabayan ang mamamayan kaugnay sa usapin ng Saligang Batas ng Pilipinas.
Ito ang bahagi ng pahayag ng CBCP tungkol sa People’s Initiative on Charter Change na may titulong “What is Good?” o “Ano ang Mabuti?” na nilagdaan ni CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David.
Ayon sa Obispo, pagsusumikapan ng Simbahan na magabayan at mabuksan ang kamalayan ng bawat isa upang ganap na makapagdesisyon para sa ikabubuti ng bayan.
“Pagsusumikapan po namin sa aming bahagi na makapagbukas ng mga pagpupulong at pagtatalakayan patungkol sa Saligang Batas at mga suliranin ng ating bansa. Hangad po naming makapagnilay po tayo at makapag-desisyon para sa tunay na mabuti para sa lahat!” ang bahagi ng pahayag ng CBCP.
Pagbabahagi ng Obispo, nakababahala ang mga balita ng pagpapapirma para sa People’s Initiative sa iba’t-ibang bahagi ng bansa kung saan tila marami ang walang malinaw na pag-unawa sa dokumentong kanilang nilalagdaan.
Paliwanag ni Bishop David, “Nababahala kami sa mga balita na nagmula na rin sa mga tao na nagkaroon ng mga pagpapapirma sa iba’t-ibang bahagi ng ating bansa, para sa isang tinatawag na People’s Initiative. Marami ang maaaring lumagda na dahil sa napakaraming dahilan, ngunit malinaw na ang inyo o kanilang paglagda ay hindi bunga ng isang masusing pag-aaral at pag-uusap patungkol dito.”
Giit ng Obispo, dapat na ituring ng bawat isa na mahalaga ang kanilang lagda sapagkat maaari nitong mabigyang ng kakayahan ang mga mambabatas na baguhin at palitan ang Saligang Batas ng Pilipinas.
Ayon kay Bishop David, bagamat tanging usaping pang-ekonomiya lamang ang sinasabing layunin ng pag-amyenda ng Konstitusyon ay hindi naman maiaalis ang posibilidad na may iba pang baguhin at palitan kung maisulong ang People’s Initiative na hindi dumadaan sa tamang proseso ng pag-amyenda ng Saligang Batas.
“Hindi po ito simpleng lagda. Dahil sa inyong paglagda ay binibigyan po ninyo ng kakayahan ang ating mga mambabatas na palitan o baguhin ang ating Saligang Batas. Mababasa ninyo o maririnig na usaping pang-ekonomiya lamang daw ang kanilang hangad baguhin o amyendahan. Ngunit kahit ang mga senador na mga mambabatas din natin ang nagsasabing napakalaking posibilidad na higit pa riyan ang maaaring pakialaman at baguhin kapag nagtagumpay ang People’s Initiative na ito.” Dagdag pa ni Bishop David.
Binigyang diin naman ng Obispo na bagamat pansamantala nang sinuspende ng Commission on Elections (COMELEC) ang lahat ng gawain kabilang ang pagtanggap ng mga ‘signature forms’ na may kaugnayan sa People’s Initiative ay hindi pa din dapat na maging kampante ang lahat lalo na sa iba pang tangka para isulong ang Charter Change.
“Nagkaroon na nga po ng desisyon ang COMELEC patungkol sa pansamantalang pagbabasura sa mga petisyong ito para sa sinasabing People’s Initiative. Ngunit hindi pa rin po tayo dapat maging kampante dahil malamang magkakaroon pa rin ng mga iba pang tangka para sa Charter Change na ito.” Paalala ni Bishop David.
Batay sa tala ng COMELEC, nakatanggap na ang ahensya ng signature ng forms mula sa 1,072 munisipalidad at siyudad sa buong bansa.