47,625 total views
February 22, 2020 2:58PM
Ito ang hamon ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco sa pagsisimula ng panahon ng kuwaresma ngayong Ash Wednesday.
Ayon sa Obispo, ito ang hudyat ng mahaba at mahalagang paglalakbay ng mga mananampalataya para sa Paschal Triduum o ang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo na pundasyon ng pananampalatayang katoliko.
Dahil dito, ipinaalala ni Bishop Ongtioco na magbalik loob sa Panginoon at talikdan na ang mga kasalanang tulad ng ketong na sumisira sa buhay pananampalataya ng isang tao.
“Ang kasalanan parang ketong, unti-unti kinakain ang laman ng tao unti-unti naaagnas, unti-unti namamatay, kaya sana kilalanin natin ang kapangyarihan na manira ng kasalanan at sa kabilang banda ating kinikilala ang kapangyarihan ng pagbabalik loob pagpapatawad.” Pahayag ni Bishop Ongtioco.
Pinayuhan ng Obispo ang mga mananampalataya na sa apatnapung araw na paglalakbay tungo sa pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ng Panginoon ay lagi nilang kasama ang Diyos na umaagapay at nagbibigay pag-asa.
Ipinaalala pa ng Obispo na sa mga pagdiriwang na ito ng simbahang katolika ay huwag kalimutan ng mga mananampalataya ang kapatid sa ibang pananampalataya.
Sinabi ni Bishop Ongtioco na ang dapat na maging panalangin ngayon ng mga mananampalataya ay tulad sa panalangin ni Hesus na mamayani ang pag-ibig at pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba ng paniniwala.
“Kapag mayroon kang galit sa iyong kalooban o mababa ang tingin mo sa ibang tao dahil hindi mo karelihiyon, hindi maka kristiyano yan. Ang maka-Diyos, maka-Krisitiyano ay kumikilala sa lahat ng tao bilang ating kapatid, kahit na iba ang kanilang paniniwala. Ang ating dasal, makiisa tayo kay Kristo, balang araw, tayo’y magkakaisa nagmamahalan isang pamilya nagmamahal sa Diyos.” pahayag ng Obispo.
Umaasa si Bishop Ongtioco na magiging matagumpay ang paghahanda ng mga mananampalataya sa panahon ng kuwaresma upang magbunga din ito ng tagumpay sa pagdiriwang ng muling pagkabuhay ng Panginoong Hesus.