602 total views
Pinaalalahanan ni Franciscan priest Father Angel Cortez ang mananampalataya na simulan nang talikuran ang mga institusyon at gawaing nagdudulot ng pinsala sa kalikasan.
Ayon kay Fr. Cortez, miyembro ng International Steering Committee ng Laudato Si’ Action Platform ng Vatican Dicastery for Integral Human Development, kinakailangan na ng daigdig ang mga konkretong solusyon upang mailigtas ito sa tuluyang pagkasira dulot ng pagbabago ng klima.
“I think it’s really a global call na tayo mismo bilang mga Pilipino ay dapat mayroon na talaga tayong konkretong gawin. Hindi na ito usapin ng adbokasiya lamang o usapin na kampanya kundi simulan natin sa isang konkretong gawain,” pahayag ni Fr. Cortez sa panayam ng Radio Veritas.
Tinukoy naman ng pari ang industriya ng coal-fired power plants, pagmimina, fossil fuel, at iba pa na nag-iiwan ng pangmatagalang pinsala sa kapaligiran at paghihirap sa mga tao.
Sinabi ni Fr. Cortez na dapat nang itigil ng mga bangko sa bansa ang pamumuhunan sa mga mapaminsalang proyekto at sa halip ay suportahan ang pagtangkilik sa renewable energy resources na tiyak na mura, malinis, at ligtas para sa kalikasan at tao.
Hinimok din ng pari ang bawat isa na baguhin ang mga nakagawian at simulang mamuhay nang sapat.
Paliwanag ng opisyal na hindi lamang sa pagtitipid sa enerhiya, tubig at pagtatanim ng mga puno nakatuon ang pangangalaga sa kalikasan kundi maging sa pagpili at pagbili sa mga bagay na hindi naman gaano kinakailangan para sa pang-araw-araw na pamumuhay.
“Iyong mga bagay na hindi naman talaga natin kailangan ay huwag muna natin bilhin o kunin. Sapagkat in reality, lahat ‘yun may kaugnayan doon sa tinatawag nating ekolohiya. Kaya nga siya integral ecology, so bawat binibili natin, bawat desisyon natin, it will really affect our climate situation,” ayon kay Fr. Cortez.
Nauna nang hinamon ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Stewardship Office chairman at Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo ang mga mananampalataya na ibagay ang “lifestyle” sa suliraning hinaharap ng kalikasan.