173 total views
Kapanalig, may mga isyu sa ating bansa at sa ASEAN na kailangan ng ating agarang aksyon, lalo’t pa’t ang integrasyon sa rehiyon ay narito na.
Ang integrasyon sa ASEAN kapanalig, ay may mga dalang biyaya, ngunit may mga isyu rin itong pinalulutang, gaya ng brain waste at brain drain. Ano nga ba ang mga ito?
Ang brain waste, kapanalig, ay underutilization. Hindi ba’t nakikita natin ngayon at naranasan ang kahirapan ng paghahanap ng trabaho ng marami sa ating kababayan? Dahil sa kahirapan na ito, marami sa ating mga kababayan ang pumapatos sa mga trabaho kung saan sila ay overqualified.
Ang isyu na ito ay hindi nakikita ng mga policymakers sa rehiyon. Dahil dito, nasasayang ang kasanayan ng mga mamamayan, napupurol. Nasasayang ang invesments o puhunan na nilalagak sa pagpapayabong ng tao. Sa kahuli-hulihan, ang human capital o human resources—ang pangunahing yaman ng bansa—ay naluluma at nade-degrade.
Base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang bilang ng mga underemployed ang tumataas ngayon sa ating bansa, habang bumababa ang unemployed. Ang underemployed kapanalig, ay yaong mga nagtatrabaho na ngunit nais pang magtrabaho at mga overqualified para sa kanilang trabaho. Nasa 19.7% ito kapanalig noong January 2016, mas mataas pa noong January 2015 na nasa 17.9%.
Ang brain drain din kapanalig, ay isang isyu na maaring maka-apekto sa ASEAN integration at sa mga local na ekonomiya sa Asya. Ang brain drain ay ang pag-alis ng mga highly skilled at highly educated na mamamayan sa isang bansa upang magtrabaho sa ibang bansa na labas sa ASEAN at sa Asya. Ito ay isang malaking balakid sa paglago ng anumang ekonomiya.
Ayon sa datos ng Asian Development Bank, malaking bilang ng mga migrante mula sa ASEAN countries ang nagpupunta sa mga bansang kasapi ng Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD). Nasa 1.7 milyong college graduates ang nasa OECD countries noong 2000. Tumalon na ito ng 2.8 million noong 2010. Mas marami kasing oportunidad para sa paglago sa mga OECD countries, kaya’t pihadong mas tataas pa ang bilang na ito.
Malaking hamon ito kapanalig sa mga ASEAN countries, lalo na sa ating bansa na tao ang nagiging pangunahing export product sa ngayon. Kapanalig, ang mga polisya ng ating bansa ay dapat hindi lamang kontrolado ng merkado. Ito dapat ay gumagalaw ayon sa panlipunang katarungan o social justice at pag-ibig, o charity.
Ang Mater et Magistra, bahagi ng panlipunang turo simbahan ay may mahalagang aral ukol dito: “Ang trabaho at ang sweldo ay hindi lamang dapat iwanan sa batas ng merkado. Hindi rin ito dapat base sa desisyon ng mga may hawak ng kapangyarihan. Ang trabaho at kita ay dapat ayon sa katarungan at sa pagkapantay-pantay ng tao.” Kapanalig, kapag ang isang bansa ay tuluyang papalaganapin ang ang hindi pagkapantay-pantay sa lipunan, ang mga isyu gaya ng brain waste at brain drain ay unti-unting kakain dito, at sa kahuli-hulihan, tayong lahat ang talo.