431 total views
Homiliya para sa Huwebes sa Ika-9 na Linggo ng Karaniwang Panahon, Ika-8 ng Hunyo 2023, Mk 12,28-34
May isang English expression na hindi ko alam i-translate sa Tagalog: TALL ORDER. Pwede ko bang isalin ito nang literal, halimbawa “matangkad na utos”? Walang sense di ba?
Ang naiisip kong malapit na katumbas ng TALL ORDER sa Tagalog ay, “Madaling sabihin; mahirap gawin.” Ganito ang dating sa akin ng ating Gospel reading ngayon: ang kautusan daw ay nauuwi sa isang bagay: PAGIBIG. Magmahal ka lang, sumusunod ka na sa kautusan. TALL ORDER ang dating, di ba?
Actually, isang sagot lang ang hinihingi ng nagtanong kay Hesus, “Alin daw ang pinakauna o pinakamahalaga, o pinakabuod ng kautusan?” Pero dalawa ang isinagot niya: Pag-ibig sa Diyos nang higit sa lahat, at pagibig sa kapwa gaya ng sarili. Sa version ni San Mateo 22:39, sinabi ni Hesus na ang pangalawa ay “katulad din ng una”. Ibig sabihin, ang dalawa ay iisa; hindi mapaghihiwalay.
Pero unahin na muna nating pagnilayin ang “tall order”. Bakit ko nasabing madaling sabihin pero mahirap gawin? Kay Pope Benedict XVI ko unang narinig ito sa kanyang DEUS CARITAS EST. Kung PAG-IBIG ang buod ng lahat ng kautusan, ang tanong niya ay, “Pwede mo bang ipag-utos ang pag-ibig?”
Naisip ko tuloy ang kuwento sa ating unang pagbasa tungkol sa pitong lalaking pinakasalan ni Sarah, bago nag-propose sa kanya si Tobias. Kung ikaw ang pampito sa magkakapatid na lalaki na napilitang magpakasal kay Sarah, at alam mong namatay ang unang anim na nagpakasal kay Sarah bago pa siya makasiping, pakakasalan mo ba siya? Ewan ko lang. Pero obligasyon daw, ayon sa Batas e, so napilitan lang silang sumunod. Pero itong si Tobias, kusang loob na nag-propose, hindi pinilit. Hindi kaya iyon ang sikreto—ang kaisa-isang bagay na pwedeng panlaban sa sumpa kay Sarah? ANG WAGAS NA PAG-IBIG?
Sabi ni Pope Benedict “Ang pag-ibig ay hindi maipag-uutos mula sa labas. Pwede lang ipag-utos ito MULA SA LOOB.” Totoo naman, di ba? Kaya lang tayo natututong magmahal ay dahil tayo ay minahal. Kapag minahal ka, may udyok mula sa loob mo na magmahal din. Ang pag-ibig ay udyok na tumugon sa unang umibig sa iyo.
Paano natin iibigin ang Diyos nang higit sa lahat kung di muna tayo namulat na una tayong inibig ng Diyos nang higit sa lahat? Di ba ganito ang sinasabi ng kinakanta natin sa simbahan, “Pag-ibig ang siyang pumukaw sa ating puso at kaluluwa at siyang nagdulot sa ating buhay ng gintong aral at pag-asa.” At sabi pa ng refrain, “Pagkat ang Diyos nati’y Diyos ng pag-ibig, magmahalan tayo’t magtulungan…”
Dahil minahal tayo ng Diyos, tutugon tayo—magmamahal din tayo. Paano? Mamahalin natin ang kapwa na gaya ng sarili. Bakit? Dahil nilikya niya tayo na gaya ng sarili niya. Kaya ang pinakamahalagang paraan ng pagtugon sa pag-ibig ng Diyos sa atin ay pagibig sa kapwa gaya ng sarili. Ayun, kaya pala hindi mapaghihiwalay ang dalawa: pagibig sa Diyos at pagibig sa kapwa—iisa lang sila.
Hindi rin posible ang pagibig sa kapwa kung walang kapwa na umibig sa atin. Pwede ba iyon? Oo naman. Akala natin ang pagiging dukha ay tungkol sa pagiging salat sa yaman. Hindi pala. Ang pinakadukha pala sa mundo ay ang salat sa pagibig. Kahit bihisan mo at bigyan ng lahat ng materyal na bagay ang tao, kung hindi mapukaw sa loob niya ang pagibig, kung wala siyang naranasang pagmamahal, hindi siya magiging ganap na tao.
Magandang paalala ito. Kaya pala may mga taong malupit at hindi makatao—dahil may mga taong hindi minahal o mga taong pinalaki sa malupit o hindi makataong paraan. Walang makatutubos sa ating pagkatao kundi ang DIYOS NG PAGIBIG. Lampasan mo mang minsan ang biktima sa tabing-daan, hindi mo na ito magagawang muli sa susunod kung naranasan mo na ang maging biktima at mayroong nagmagandang-loob sa iyo. Hindi matututong magmahal ang taong hindi napukaw ang loob para magmahal.