421 total views
Ang matalinong pagpili at pagsusuri sa karakter ng isang kandidato ang aral na dapat maunawaan ng kasalukuyang henerasyon sa naranasang paniniil ng bansa sa ilalim ng rehimeng Marcos.
Ito ang mensahe ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. kaugnay sa paggunita ng ika-49 na anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law sa bansa.
Ayon sa Obispo na isa rin sa 1987 Constitutional Framers, hindi nagtatapos sa halalan ang tungkulin ng bawat mamamayan sa bayan sa halip ay dapat na patuloy na maging mapagbantay sa paraan ng pamamahala ng mga halal na opisyal ng bansa.
Paliwanag ni Bishop Bacani, mahalaga rin ang patuloy na pananalangin ng taumbayan para sa mga opisyal ng pamahalaan upang hindi mawaglit sa kamalayan ng mga ito na ang taumbayan na kanilang pinaglilingkuran at hindi ang kanilang mga pansariling interes sa katungkulan.
“Lessons [from Martial Law] we must choose carefully our leaders, looking especially a candidate’s character. Then once we have elected our leaders we should be vigilant and pray for them making them remember that they are our servants and not our masters.” Ang bahagi ng pahayag ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. sa Radio Veritas.
Pagbabahagi pa ng Obispo, marapat na maging alisto at manindigan ang bawat isa para sa kapakanan ng bayan lalo’t saksi ang kasaysayan ng bansa sa masamang epekto sa bayan ng pagkaganid ng isang lider o opisyal sa posisyon at kapangyarihan.
Giit ni Bishop Bacani, hindi na dapat na maulit pa ang maituturing na madillim na bahagi ng kasaysayan ng bansa sa ilalim ng rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ayon sa Obispo, hindi na dapat na maulit pa ang pamumuno ni Marcos o maging ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa bansa sapagkat mas marami pa ang karapat-dapat na magkaroon ng pagkakataon na maglingkod at mamuno sa pamahalaan.
“History shows that when people get hold of power they tend to take advantage of it for their own interests and want to stay in power as long as they can. Third, remember never again a Marcos or a Duterte. We get the government we deserve.” Dagdag pa ni Bishop Bacani.
Taong 1972 nang magdeklara ng Martial Law ang rehimeng Marcos kung saan batay sa kasaysayan at sa tala ng Amnesty International, samu’t saring pang-aabuso sa karapatang pantao ang naranasan ng mga Filipino kabilang na ang aabot sa mahigit 34,000 na dumanas ng pang-aabuso at iba’t ibang uri ng karahasan bukod pa sa 70,000 na nakulong at 3,240 pinaslang ng mga hindi na kilalang salarin.
Taong 1986 nang magtungo sa EDSA ang maraming Filipino sa pangunguna ng mga Pari, Madre at ilang indibidwal alinsunod na rin sa naging panawagan ng noo’y Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin sa himpilan ng Radyo Veritas.