413 total views
Mga Kapanalig, nakasaad sa ating batas, partikular sa Republic Act No. 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards of Public Officials and Employees, na ang mga opisyal at empleyado ng gobyerno ay dapat maging tapat sa mga tao sa lahat ng oras. Dapat silang kumilos nang makatarungan at walang pinapaboran. Dapat nilang igalang sa lahat ng pagkakataon ang karapatan ng iba. Higit sa lahat, dapat silang umiwas sa paggawa ng mga iligal na gawain.
Ngunit paano natin aasahan ang mga lingkod-bayang pagsilbihan at paglingkuran ang taumbayan kung mismong mga kasama nila sa opisina ay hindi nila magawang igalang?
Noong nakaraang linggo, pinatawan ng Office of the Ombudsman ng preventive suspension sa susunod na anim na buwan nang walang bayad si National Irrigation Administration (o NIA) Chief Benny Antiporda. Ito ay matapos maghain ng mga administrative complaints ang ilang empleyado ng ahensya. Ang limang pahinang kautusan na inilabas ng Ombudsman na naglalagay kay Antiporda sa ilalim ng preventive suspension ay upang hindi na niya magawa pang impluwensyahan ang kanyang mga tauhan at pati na rin ang gumugulong pang imbestigasyon. Inilabas ang suspension order matapos ang ginawang pag-iimbestiga sa nasabing reklamo ng mga opisyal at empleyado ng NIA sa kasong grave misconduct, harassment, oppression, at ignorance of the law.
Kabilang sa mga alegasyon laban kay NIA Chief Antiporda ay pagbabanta sa mga empleyado ng hindi pag-renew ng kanilang appointment, paglilipat sa mga empleyado nang walang basehan, katiwalian, pangungutya, at pamamahiya sa mga taga-NIA. Bagamat mariing itinanggi ni Antiporda ang mga akusasyon laban sa kanya, nanindigan ang Ombudsman sa pagkumpirmang malakas ang ebidensya laban sa pinuno ng NIA matapos ang masinsing pagsusuri sa mga ebidensya.
Makikita sa pangyayaring ito ang kahalagahan ng mga institusyon o tanggapang titiyak sa tamang asal at pagpapanagot sa mga lingkod-bayan. Sa mga pagkakataong inaabuso ng mga opisyal ng pamahalaan ang kapangyarihang mayroon sila, ang Ombudsman ang “magmamatyag sa mga tagapagmatyag.” Itinatag ang Ombudsman upang bantayan ang mga nasa ating gobyerno. Upang hindi mabahiran ng pulitika at magawa nang maayos ng Ombudsman ang mandato nito, ginawa itong constitutional office; ibig sabihin, independent o hiwalay ang tanggapan nito mula sa tatlong sangay ng gobyerno. Kaya’t mahalagang manatili ang pagiging independent ng mga constitutional offices upang masigurong nababantayan ang anumang paglabag ng mga nasa gobyerno.
Gaya ng binibigyang-diin sa Catholic social teaching na Populorum Progressio, ang kawalang-katarungan ay dapat hamunin at mapagtagumpayan dahil nangangailangan ang patuloy na pag-unlad ng matapang at malaking hakbang na gagawa ng malalim na pagbabago. Ang gawaing lihis ay dapat itinatama nang walang antala. Dapat na mag-ambag dito ang mga taong may edukasyon at katungkulan. Dapat nilang gamitin nang tama ang kanilang awtoridad. Magpapatuloy ang katiwalian sa pamahalaan kung walang institusyong sisita at magtutuwid sa mga nasa likod nito.
Sabi nga ni Hesus sa Lucas 12:48, “ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng marami; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin ng lalong marami.” Mahalagang napapanagot ang mga taong nasa ating pamahalaan sapagkat itinuturing silang tagapaglingkod ng bayan. Dapat silang papanagutin sa kanilang pagkukulang sa pagganap ng kanilang tungkulin bilang tagapamahala at sa pagmamalabis nilang humahantong sa pang-aabuso sa kanilang kapangyarihan. Sa pagtanggap nila ng malaking responsibilidad na mamuno ng isang ahensya ng pamahalaan, kaakibat nito ang pagsusumikap na gawin kung ano ang tama, matuwid, at makabubuti para sa lahat.
Mga Kapanalig, magkakaroon lamang tayo ng makatarungang lipunan kung marangal at matino ang namumuno sa mga ahensya ng ating pamahalaan. Kung taglay ng mga kawani ng pamahalaan ang mga katangiang ito, maiiwasan ang mga pang-aabuso ng kapangyarihan sa loob mismo ng mga ahensyang ipinagkatiwala sa kanila.
Sumainyo ang katotohanan.