381 total views
Mga Kapanalig, kasama po ba ang inyong anak, apo, pamangkin, o kapatid sa mga batang binigyan ng Dengvaxia, ang kauna-unahang bakuna laban sa dengue?
Sentro ng kontrobersiya ngayon ang naturang bakuna dahil sa pag-amin ng Sanofi Pasteur, ang pharmaceutical company na gumawa ng Dengvaxia, na, batay sa pinakahuli nitong pag-aaral, maaaring mas matindi ang tumamang dengue sa mga nabakunahan ngunit hindi pa kailanman nagkaroon ng sakit na ito. Kung totoong magdudulot ang Dengvaxia ng mas malaláng klase ng dengue sa mga nabakunahan, maituturing itong malubhang suliraning pangkalusugan sa ating bansa, lalo pa’t mahigit sa 700,000 mga bata sa mga pampublikong paaralan ang sumailim sa dengue vaccine program ng Department of Health (o DOH). Ipinasuspinde na ng Food and Drug Administration (o FDA) ang pagbebenta ng nasabing bakuna. Pansamantala ring ipinahinto ng DOH ang dengue vaccine program nito habang kinokonsulta nito ang mga eksperto.
Hindi maiiwasang mangamba ang mga magulang, ngunit hindi nakatutulong na may mga grupong iniuugnay ang dengue vaccine program sa genocide, o ang sadya at malawakang pagpatay sa mga tao. Mag-ingat po tayo sa ganitong konklusyon, lalo pa’t walang datos at ebidensyang ipinakikita ang mga kritiko ng programa upang sabihing patungo nga sa malawakang pagkamatay ang pagpapaturok ng Dengvaxia. Tandaan din po nating hindi lamang sa Pilipinas ibinibigay ang Dengvaxia; binabakunahan din po kontra dengue ang mga bata sa ibang bansa sa Timog Silangang Asya ngunit dito lang po sa atin may nagsasabing genocide ang programang bakuna ng DOH. Maging mapanuri po tayo sa mga naririnig natin dahil may mga grupong ginagamit ang isyu upang siraan ang mga kalaban nila sa pulitika o upang siraan ng mga health experts ang kapwa nila eksperto.
Gayunman, mahalagang subaybayan ang isyung ito tungkol sa Dengvaxia dahil nakasalalay rito ang kalusugan ng mga batang nabakunahan. Bagamat may mga kailangang papanagutin na mga opisyal ng pamahalaan—sa dati man o sa kasalukuyang administrasyon—na may dahil sa kanilang mga maling hakbang, ang papanatagin ang kalooban ng publiko ang kailangang tutukan ng pamahalaan. Sa halip na ubusin ang oras at pera ng bayan para sa pagbubuo at paghahain ng kaso, mas mainam na tipunin ng pamahalaan ang mga eksperto upang alamin kung ano ang pinakaepektibong paraan ng pagsubaybay sa magiging epekto ng Dengvaxia sa mga nabakunahan nito. Dapat mabigyan ng angkop na tulong ang mga batang binakunahan ng Dengvaxia kapag dinapuan sila ng mas malalang klase ng dengue.
Sa halip na gatungan ang mga mapanlinlang na impormasyon, dapat makipag-ugnayan ang pamahalaan sa World Health Organization (o WHO) at iba pang organisasyon upang malinawan sa epekto ng Dengvaxia. Sa madaling salita, ang isyung ito tungkol sa Dengvaxia ay hindi dapat hayaang mabahiran ng pamumulitika. Isa itong isyu ng pampublikong kalusugan na nangangailangan ng pagtutulungan ng mga experto sa maraming larangan, lalung lalo na ng medisina.
Karapatan ng lahat ang magkaroon ng maayos na pangangatawan at kalusugan, at malaki ang tungkulin ng pamahalaan sa pagtataguyod nito sa pamamagitan ng mga programang pangkalusugan na ligtas, epektibo, at naaayon sa mga etikal na pamantayan. Kinikilala natin sa Santa Iglesia ang ambag ng pagbabakuna, bilang bunga ng agham at teknolohiya, sa pangangalaga sa buhay ng tao sa pamamagitan ng pagbawas ng pagiging malalâ ng isang sakit katulad ng dengue. Ngunit karapatan din ng lahat na malaman at maunawaan ang mabubuti at hindi mabubuting epekto ng anumang gamot. Dahil ang pamahalaan ang nagpapatupad ng dengue vaccine program, tungkulin nitong tiyaking hindi malalagay sa alanganin ang kalusugan at buhay ng mga mamamayan.
Mga Kapanalig, tamang impormasyon ang unang pananggalang natin laban sa mga nakatatakot na balita. Maging mapanuri sa mga naririnig at nababasa, at mapagbantay sa magiging tugon ng pamahalaan sa isyung ito.
Sumainyo ang katotohanan.