180 total views
Mga Kapanalig, pamilyar ba kayo sa batas na Agri-Agra Law Reform Credit Act?
Naipasa noong 2009, ipinag-uutos ng batas na ito na maglaan ang mga bangko ng hindi bababa sa 25% ng kanilang kabuuang pautang o loan portfolio para sa agrikultura, pangisdaan, at repormang agraryo. Sa portfolio na ito, 10% ang dapat italagang pautang para sa mga benepisyaryo ng repormang agraryo o agrarian reform.
Kumusta ba ang pagpapatupad ng batas na ito matapos ang higit isang dekada?
May katulad na batas na naipasá noong panahon ng administrasyon ni Pangulong Marcos. Dahil itinuturing ng mga bangko na high-risk o napakadelikado ang magpautang sa mga magsasaka o sa sektor ng agrikultura dahil sa malimit na bagyo at iba pang mga kalamidad, pinili ng mga bangkong sumunod sa mga alternatibong pamamaraang iniaalok ng Bangko Sentral katulad ng pamumuhunan sa mga government securities. Maliit man ang interes sa ganitong pamumuhunan, tiyak naman ang kita at walang talo ang mga bangko.
Nagpatuloy ang ganitong kalakaran sa ilalim ng Agri-Agra Law. May mga idinagdag na paraan ng pagsunod sa batas katulad ng pamumuhunan sa tinatawag na bonds ng Development Bank of the Philippines at Land Bank, o di kaya’y paglalagak ng dagdag na kapital sa mga rural banks, cooperative banks o farmer’s cooperatives. Ngunit mas pabor ang mga bangkong patawan sila ng multa sa hindi pagsunod sa batas kaysa sa mahirapan at maperwisyo sa pagpapautang sa sinasabing high-risk na sektor ng mga magsasaka at mangingisda. Ayon sa isang opisyal ng Bangko Sentral, mga dalawang bilyon piso kada taon ang kabuuang nasisingil na multa mula sa mga hindi sumusunod sa batas.
Bilang tugon sa hindi matagumpay na pagpapatupad ng batas, pinasimulan ng Bangko Sentral, Department of Agriculture, at Department of Agrarian Reform noong Marso ang pag-amyenda sa implementing rules and regulations (o IRR) ng batas. Sa pamamagitan daw nito, mas madaling makauutang ang mga magsasaka at mangingisda sa mga bangko, lalo na’t matindi rin ang naging epekto ng COVID-19 pandemic at mga kalamidad sa kanilang kabuhayan. Ngunit higit sa pag-amyenda sa IRR, hinihimok ng Bangko Sentral na baguhin na ng Kongreso ang Agri-Agra Law upang tunay na mahikayat ang mga bangko na magpautang sa mga magsasaka at mangingisda, at matugunan ang pangangailangang pampinansyal ng sektor ng agrikultura at pangisdaan.
Mahalaga ang papel na ginagampanan ng sektor ng agrikultura sa ekonomiya ng ating bansa. Nang tinamaan ang ating bayan ng pandemya nitong 2020, tanging ang sektor na ito lamang ang nagtala ng positibong kontribusyon sa ekonomiya, tanda ng kahalagahan at pangunahing pangangailangan natin sa pagkain. Kahit sa Ebanghelyo, sa Mateo 14: 13-21, matutunghayan nating mahalaga ang pagkain para sa kabutihan ng tao nang paramihin ni Hesus ang tinapay at isda upang mapakain ang limanlibong tao.
Isa ring kabalintunaang ang ating mga magsasaka at mangingisda ay kabilang sa mga pinakamahihirap na sektor ng ating lipunan. Kung sapat at makabuluhang ayuda lamang sana ang naiaabot sa kanila, katulad ng abot-kayang pautang, hindi lamang ang sarili nilang pamilya ang mapangangalagaan nila kundi ang buong bayang umaasa sa pagkaing kanilang itinatanim, inaalagaan, at inaani. Sabi nga sa Catholic social teaching na Caritas in Veritate, ang pagpapalago sa sektor ng agrikultura ay susi sa pagputol sa mga sanhi ng food insecurity o kagutuman.
Mga Kapanalig, nawa’y dinggin ng Kongreso ang kahilingan ng Bangko Sentral, at aksyunan sa lalong madaling panahon ang pagsasabatas ng mga pag-amyenda sa kasalukuyang Agri-Agra Law. Ito ang mga batas na mas mahalagang paglaanan ng kanilang oras at lakas, sa halip na magsimula nang mangampanya sa eleksyon o magpasá ng mga batas na interes ng mga dayuhan ang isinusulong.