510 total views
Isinusulong ng grupong Health Care Without Harm ang mga pamamaraan ng tamang pagtatapon ng mga gamit na facemask upang maiwasan ang coronavirus transmission.
Ayon kay Paeng Lopez, Healthy Energy Initiative Campaigner ng grupo, mahalagang mapanatili sa bawat ospital at tahanan ang wastong pagtatapon sa mga infectious waste tulad ng mga facemask upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
“Kung ito ay galing sa ospital o kaya galing sa mga kabahayan, may kaakibat namang pamamaraang inirerekomenda ang Department of Health (DOH) pati ang DENR (Department of Environment and Natural Resources) kung paano dapat ito i-manage nang maayos,” bahagi ng pahayag ni Lopez sa panayam ng Radio Veritas.
Paliwanag ni Lopez na bago ilabas ang mga infectious waste sa mga ospital, dumadaan muna ito sa iba’t ibang proseso upang matiyak na hindi ito magdudulot ng pagkahawa mula sa iba’t ibang sakit partikular na sa COVID-19.
“Bago ‘yan [infectious wastes] ilabas ng ospital ay dumaan ‘yan doon sa infection at anti-pollution protocols ng ospital upang masigurong wala itong infection na dala-dala, potentially,” paliwanag ni Lopez.
Samantala, sa pagpapanatili naman ng kaligtasan sa mga tahanan, mas makabubuting sirain o gupitin ang mga gamit nang facemask bago ito itapon upang matiyak na hindi na ito muling magagamit.
Iminumungkahi rin ni Lopez na ihiwalay sa karaniwang basura ang pagtatapon sa mga gamit na facemask at hayaan muna ito sa loob ng limang araw bago ito ibigay sa mga tagapangolekta ng basura.
Ito’y paraan din upang matulungan ang mga waste workers na maging ligtas at hindi mahawaan ng virus na maaaring magmula sa mga infectious wastes.
“Ang inirerekomenda ng World Health Organization, dahil na rin sa temperatura na mayroon sa Pilipinas, pwede nating patagalin ang pagkolekta ng basura for at least five days. Ito’y para masiguro natin na yung virus na nananatili ay namatay na ng kusa dahil doon sa pagkakasilid sa sarili niyang lalagyan. Kasunod nito ay saka natin ito i-dispose doon sa mga nangongolekta ng ating basura,” ayon kay Lopez.
Kinilala rin ng grupo ang mahalagang gampanin ng mga waste workers na dapat na ituring bilang mga frontliners ngayong pandemya dahil sila ang mga pangunahing nagpapanatili ng kalinisan at kaligtasan sa bawat pamayanan laban sa virus at iba pang sakit.
“Ganun kaimportante ang role ng ating mga waste workers kaya hindi dapat maliitin ang role na kanilang ginagampanan dahil kung hindi talaga dahil sa kanila ay maiipon ang mga basura na ito at lalaki ng husto ang mga problemang ating kinakaharap hindi lang sa kapaligiran kundi sa ating kalusugan,” saad ni Lopez.
Hinihikayat ng iba’t ibang makakalikasang grupo ang pamahalaan na paglaanan ng pondo ang mga waste workers upang matulungang magkaroon ng mga Personal Protective Equipment o PPE bilang kaligtasan sa kanilang trabaho, gayundin ang mapabilang ang mga ito sa maaaring mabigyan ng libreng COVID-19 vaccine laban sa virus.
Batay sa tala ng DOH, umabot na sa mahigit 1.1 milyon ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa, kung saan mahigit sa 18-libo rito ang mga nasawi.