536 total views
Ipinanalangin ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang lahat ng manggagawa sa bansa lalo na sa pagdiriwang ng Labor Day sa unang araw ng Mayo.
Ayon kay Davao Archbishop Romulo Valles, nawa’y mabigyan ng wastong pasahod ang bawat manggagawa bilang pagkilala sa kanilang paggawa at pagpapahalaga ng pagkatao.
“We pray that workers would be given the just due their compensation and their families would enjoy the fruits of their labor and all humanity,” pahayag ni Archbishop Valles sa Radio Veritas.
Tiniyak ni Archbishop Valles na kinikilala ng Simbahang Katolika ang ambag ng mga manggagawa sa pag-unlad ng lipunan, komunidad at maging sa ekonomiya ng bansa.
Batay sa ensiklikal ni San Juan Pablo II na Laborem Exercens binigyang diin sa nasabing dokumento ang pagpapahalaga sa mga manggagawa ng kahit na anong sektor sa pamamagitan ng pagbibigay nang wastong pasahod at benepisyo na nararapat matanggap ng manggagawa.
Samantala sa Rerum Novarum naman ni Pope Leo 13th bukod sa pagbibigay ng tamang pasahod kabilang din sa karapatan ng manggagawa ang makiisa sa mga unyon na namamagitan sa mga empleyado at mamumuhunan at mangunguna sa pagtataguyod ng karapatan sa paggawa at karapatang pantao.
“The Church recognizes the dignity of labor that its conribution to life, to society and the development of peoples,” ani ni Archbishop Valles.
Kaugnay dito, naghain naman ng petisyon ang Trade Union Congress of the Philippines para sa pagtaas ng sahod mula sa kasalukuyang 537-piso ay itataas ito sa 710-piso ang bawat araw upang sasapat na matustusan ang pangangailangan ng pamilya.
Sa pahayag ng grupo, kulang ang kinikita ng mga manggagawa bunsod na rin ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at kakulangan ng mga programang nakatuon sa mga mahihirap.
Dalangin ng pangulo ng CBCP na nawa’y maunawaan ng mga manggagawa na ang kanilang pang araw-araw na paggawa ay bilang pakikiisa sa gawain ng Panginoon sa sanlibutan kaya’t mahalagang ialay ito sa Diyos bilang pasasalamat sa mga biyayang ipinagkaloob sa bawat indibidwal.
“We continue to pray that workers especially those workers who use their physical strength but more so today also people using their brains, they work, they contribute that they [laborers] will always see their work as participation of Gods’ creative work; The work of creation the unfolding of Gods’ gifts in us,” ani ng pangulo ng CBCP.