224 total views
Lubos ang pasasalamat ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga organizer, delegado, participants at partners sa matagumpay na pagdaraos ng Philippine Conference on New Evangelization sa University of Santo Tomas, Quadricentennial Pavilion.
Sa huling araw ng pagtitipon, nag-iwan ng hamon si Cardinal Tagle sa mga mananampalataya.
Hinimok nito ang bawat isa na malugod na tanggapin ang Panginoon, mga dayuhan at ang misyon ni Kristo.
Ayon kay Cardinal Tagle, ang pagtanggap sa salita ng Diyos ay magbubunga sa puso ng mga mananampalataya upang matularan ang kanyang mga gawain.
Sa pamamagitan nito magagawa ng bawat isa na tanggapin maging ang mga estranghero, ang mga mahihirap at mga naisasantabi sa lipunan.
“You welcome strangers in the faith of welcoming God… Then you receive Jesus in the hungry, in the thirsty, in the naked, in the homeless, in the sick, in the prisoner.” pagninilay ni Cardinal Tagle.
Ayon kay Cardinal Tagle, sa gawaing ito ay nakikibahagi rin ang mga mananampalataya sa misyon, pagpapakasakit ng Panginoon at pag-aalay ng buhay sa Diyos at sa kapwa.
“To welcome Jesus, to welcome the Word of God also means welcoming a mission and welcoming the suffering.” Bahagi ng pagninilay ni Cardinal Tagle.
Samantala, nanawagan din ang Kardinal sa mga nakatatanda na tulad ng kanilang pagnanais na mapakinggan ng mga kabataan ay malugod ding tanggapin at pakinggang ang mga kabataan.
“Kalimitan gusto natin yung mga bata ang mag welcome sa ating salita, pero ngayon sinasabi ng mga bata, i-welcome nyo din kami sa aming mundo… as we urge young people to listen to our stories, may we invite you to also welcome the stories of the young.” Dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Ngayong 2019 ang ika anim na taon ng pagsasagawa ng PCNE.
Tinatayang umabot sa 5-libo ang mga mananampalatayang nagtipon simula ika 18 hanggang 21 ng Hulyo.