265 total views
Pagtanggap, pagkalinga, pakikisama at pagsusulong sa pag-unlad ng mga migrants at refugees ang tungkuling dapat na gampanan ng pamahalaan at ng pamayanan upang matugunan ang pangangailangan ng mga migrante.
Inihayag ni Sr. Beth Pedernal, MSSC ng Sentro Filipino Chaplaincy sa Diocese ng Rome na ito panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco sa pinangunahang misa sa paggunita ng World Day of Migrants and Refugees.
Ayon kay Sr. Pedernal, binigyang diin ni Pope Francis ang apat na pagtugon sa problema ng mga migrante na kinabibilangan ng ‘welcoming, protecting, promoting at integrating’.
“Binigyan niya ng tuon na nabanggit ko ay ang apat na salita ang welcoming, ang protecting, promoting at integrating, actually itong mga salitang ito ay hindi lang ngayon niya binanggit kahit nung World Day of Peace nung January 1 ay ito rin yung topic na kahit dun sa titulo ng kanyang mensahe ang nakalagay ‘Migrants and Refugees in search for peace’ at sa kanyang mga salita yung apat na salita na ring yun ang kanyang binigyang pansin…” pag-uulat ni Sr. Pedernal sa Radio Veritas.
Pagbabahagi pa ng Madre, ang naging paggunita sa mga migrants at refugees sa Roma ay naging daan kay Pope Francis upang bigyang diin at itaguyod ang karapatan ng bawat refugees na isang paraan upang mapaglingkuran ang Panginoon sa pamamagitan ng pagtulong sa mga nangangailangan.
“Hindi lang dun sa misa at ganun na din sa Angelus nanabanggit ng ating Santo Papa na yung patuloy na pagtaguyod sa karapatan at sa pag-welcome ng ating mga migrante at mga refugees na sabi nga niya na kung sa bawat migrante o sa bawat refugees na kakatok sa pintuan ito ay ang Panginoon na ating makakaugnayan, makikita natin kung paano natin maipo-promote batay sa turo ng Simbahan ang iba’t ibang pagtanggap sa kanila…” Pagbabahagi pa ni Sr. Beth Pedernal.
Sa tala ng United Nations mula taong 2000 tumaas ng 49 na porsyento ang bilang ng mga migrants na umaabot na sa 258-milyon na karamihan ay nagmula sa Gitnang Silangan.
Samantala, sa Pilipinas ay una na ring nanawagan sa mga mamamayan ang Simbahang Katolika na maging pamilya at taos-pusong tanggapin ang mga migrants at refugee na nangangailangan ng tulong at gabay upang muling makapagsimula ng panibagong buhay.