342 total views
Homiliya Para sa Ika-18 Linggo ng Karaniwang Panahon, 31 ng Hulyo 2022, Lk 12:13-21
May mga Bible versions na naglalagay ng pamagat sa mga kuwento, pangaral, at mga talinghaga sa mga ebanghelyo. Katulad ng binasa natin ngayon. Ang nakalagay na title ay “ANG MAYAMANG HANGAL.” Sa ingles, “The Rich Fool.”
May problema daw itong mayamang magsasaka. Punong-puno na daw ang kamalig niya ng mga sako-sakong trigo, sobrang dami pa ng inani niyang bago. Sabi niya, “Ano kaya ang gagawin ko? Wala na akong mapaglagyan ng ani ko. Alam ko na! Gigibain ko ang mga bodega ko at magpapagawa ako ng mas malaki, at doon ko ilalagay ang ani at mga ari-arian ko. At dahil marami na akong naipon para sa maraming taon, magpapahinga na lang ako, kakain, iinom at magpapakaligaya!’” Monologue ang tawag sa ganitong usap. Wala siyang kausap kundi sarili. Mukhang lahat ng meron siya para sa sarili lang niya talaga. Kino-congratulate niya ang sarili niya dahil successful siya sa business niya.
Ngunit ganito daw ang sinabi sa kanya ng Dios,”Hangal! Kung ngayong gabi mismo ay babawiin ko sa iyo ang buhay mo, kanino mapupunta ang lahat ng inipon mo PARA SA IYONG SARILI??” At sa dulo ibibigay ng manunulat ang moral ng kuwento: “Ganyan ang mangyayari sa taong NAGPAPAYAMAN SARILI NGUNIT NANANATILING DUKHA SA PANINGIN NG DIYOS.”
Parang ganitong-ganito rin ang sinasabi ng isang linya sa Book of Revelations. Sa sulat sa mga taga-Laodicea, ang sabi niya: “Sinasabi ninyo na mayaman kayo, sagana sa lahat ng bagay at wala nang pangangailangan. Ngunit hindi nʼyo alam na kaawa-awa kayo dahil DUKHA KAYO SA PANANAMPALATAYA, BULAG SA KATOTOHANAN, AT HUBAD SA PANINGIN NG DIYOS.”
Sa mga tinatawag na “Wisdom Literature” sa Bibliya, katulad ng Ecclesiastes, ang ating unang pagbasa, isa sa mga paboritong tema ay ang pagkukumpara sa mga Marunong at Hangal. Parang ganito rin ang tono ng Revelations 3, 17. Sabi pa ng awtor, “Kaya pinapayuhan ko kayong bumili sa akin ng gintong dinalisay sa apoy upang maging totoong mayaman kayo. Bumili rin kayo sa akin ng puting damit upang matakpan ang nakakahiya ninyong kahubaran, at pati na rin ng gamot sa mata upang makita ninyo ang katotohanan.”
Ibig sabihin, ang mga taong walang ibang itinuturing na kayamanan dito sa mundo kundi ang mga materyal na bagay, ay mga hangal o mangmang. Ganito rin ang pahayag na narinig natin sa ating first reading mula sa simula ng book of Ecclesiastes: “WALANG KABULUHAN! WALANG KABULUHAN ANG LAHAT.”(Ecc 1:2)
Sobra naman yata ito! Nasabi ko minsan sa sarili ko nang first time kong marinig ang linyang ito. Parang napaka-cynical at negatibo. Paano ba nasama sa Bibliya o mga Banal na Kasulatan ito? Lahat daw ng bagay ay walang kabuluhan. Edi wala ding kabuluhan ang mabuhay? Later ko na nalaman na hindi naman ganito ang ibig niyang sabihin. Nagpapaalala lang ang awtor na lahat ng bagay sa mundo ay lumilipas. At kapag kumapit ka sa kahit na ano dito sa mundo na para bang iyun na ang lahat sa iyo, pag nawala iyon, edi wala na ring kabuluhan ang buhay mo? Kasi nga, tinuring mong lahat.
Ang solusyon ng mayaman sa ebanghelyo natin ay “Kumain, uminom at magpapakaligaya!” Ewan ko lang ma-eenjoy niyang mag-isa ang kayamanan niya. Itong linyang ito ay galing din kay Propeta Isaias 22:14. Pero kalahati lang ng linya ang binanggit ng hangal na mayaman. Ang dapat na kasunod nito ay; “DAHIL BUKAS AY MAMAMATAY KA.” Kaya tinawag siyang hangal ay dahil nakalimutan niyang ilagay sa lugar ang kanyang pagpapakaligaya—na may katapusan, may kamatayan, wala kang dadalhin sa hukay o sa kabilang buhay.
Oo magpakaligaya dito sa mundo pero sa paraang hindi nakalilimot na ang lahat ng meron tayo ay lilipas, pati sariling buhay natin. Kaya nga tayo tinuturuang hangarin ang hindi lumilipas, ang kaharian ng Diyos. Na sana ito ang maging gabay natin sa paggamit sa mga bagay na lumilipas. Kahangalan nga naman na ituring na parang Diyos-diyosan ang mga materyal na kayamanan o mga ari-arian. Sinabi ito ni San Pablo sa second reading: na ang kasakiman ay “katumbas na rin ng pagsamba sa mga dios-diosan.”
May kanta si Aiza Seguerra na magandang paalala: “Kung ang lahat ay may katapusan
Itong paglalakbay ay makakarating
Din sa paroroonan
At sa iyong paglisan
Ang tanging pabaon ko ay pag-ibig.”
Ito lang daw ang pwedeng ipabaon sa lumilisan. Kaya siguro kahit si San Pablo nasabi niya, “Pagibig lamang ang mananatili magpakailanman.”
Ito ang turo ng ating pananampalatayang Kristiyano. Mas magaan ang ating pagtakbo dito sa mundo kung wala tayong gaanong bitbit o mga pabigat. Sabi nga ng isa pang kanta,
“Ang mabuhay sa pag-ibig ay pagbibigay, na di nagtatantiya ng halaga. At hindi naghihintay ng kapalit; pagbibigay walang pasubali. Naibigay ko nang lahat, magaan akong tumatakbo, Dukha man ako sa lahat, dukha man ako sa lahat. Ang tangi kong yaman ay mabuhay sa pag-ibig.”