536 total views
Diyos Ama naming mapagmahal ngayong Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal, aming dasal ay higit naming maunawaan kahulugan nitong pagdiriwang: hindi katatakutan o mga kababalaghan at hiwagang nakamamangha kungdi ang Iyong dakilang adhika na kami ay Iyong makasama at makaisa sa buhay na walang hanggan.
Madalas aming nalilimutan ito lang naman lagi din naming dasal higit pa sa lahat ng mga pangangailangan at inaasam-asam: kung sakali mang dumating oras na aming kinatatakutan biglang kamatayan sa ano mang paraan, O Diyos huwag mo kaming kalilimutan sa hanay ng iyong mga Banal upang Ika'y makapiling magpakailanman!
Kaya naman sa pagdiriwang nitong todos los Santos nawa aming mabatid kahalagahan ng pamumuhay na matuwid; ang kabanalan ay hindi kawalan ng kasalanan kungdi pagiging puspos ng Iyong pagka-Diyos, nagsisikap matupad banal mong kalooban sa ilalim ng Iyong kaharian. Amen.