13,825 total views
Hinimok ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo ang publiko na tangkilikin ang maliliit na negosyo at tindahan ng kandila, at bulaklak na iaalay sa mga puntod sa paggunita ng Undas 2023.
Ayon sa Obispo, kumpara sa mga malalaking korporasyon, ang mga maliliit na negosyante, maging ang street vendors ay umaasa sa panahon ng Undas bilang karagdagang pagkakakitaan.
Paliwanag ng obispo na sa pamamagitan ng pagtangkilik sa mga maliit na nagtitinda ay makakatulong ito sa kanilang kabuhayan at pang-araw araw na pangangailangan.
“Kung tayo ay bumili sa mga simpleng mga tao, simpleng mga vendors ay nakakatulong po tayo sa kanilang hanapbuhay kayat sa halip po na makabili lang ay makakatulong din tayo sa mga nangangailangan,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Pabillo.
Para naman matiyak na tama ang presyo ng mga bilihin ngayong All Saints Day at All Souls day ay una ng tiniyak ng Department of Trade and Industry ang pagpapatupad ng Suggested Retail Price na dapat sundin ng mga supplier at negosyante na maaring makita sa official Facebook page at website ng kagawaran.