279 total views
Hinimok ng ilang grupo ang National Food Authority na gamitin para sa buffer stock ng bigas ang mga palay na binibili mula sa lokal na mga magsasaka sa bansa.
Sa pinagsamang pahayag, iginiit na dapat prayoridad ng pamahalaan ang pagbili ng palay sa lokal na produksyon sa halip na luwagan ang paraan ng pag-angkat ng bigas.
Hiniling din na itaas sa dalawampung piso ang kada kilo ng palay na bibilhin ng pamahalaan mula sa mga magsasaka upang matugunan ang mataas na gastusin sa pagsasaka na umaabot sa 65,000 piso kada isang ektaryang lupang sakahan.
Kinundena rin ng Bantay Bigas ang ginawang re-alignment ng NFA sa pondong inilaan sa pagbili ng bigas upang matiyak ang suplay ng pagkain sa bansa.
“Ginagawa nitong pambayad-utang ang budget nito sa halip na ipambili ng lokal na palay. Ang pag-asa sa importasyon ng gobyerno ay nagpapalala ng kawalan ng seguridad sa pagkain ng bansa.” pahayag ni Cathy Estavillo, tagapagasalita ng grupo.
Hinamon naman ng grupo ang pamahalaan na huwag umasa sa pag-aangkat ng pagkain dahil hindi ito makatitiyak na mapanatili ang abot kayang halagang pagkain para sa mga Filipino.
Batay sa tala ng NFA halos 4,000 metriko toneladang palay lamang ang binili nito mula Enero hanggang Hulyo habang noong nakalipas na taon naman ay 28, 000 metriko tonelada naman ang nabili nito o katumbas sa 0.15% sa kabuuang lokal na produksyon ng palay sa bansa.
Kaugnay ditto, unang hinimok ni Batanes Bishop Danilo Ulep ang bawat mamamayan na palakasin ang lokal ng produksyon ng pagkain dahil ito ang bukod tanging paraan na manatiling sapat ang suplay sa komunidad.
Read more: Huwag umasa sa mga produktong inaangkat