6,598 total views
TAO PO (HINDI “TAO LANG PO”)
Homiliya Para sa Huwebes sa Ikasiyam na Linggo ng Karaniwang Panahon, 6 Hunyo 2024, Mk 12,28-34
May kuwento tungkol sa isang pusa na inanod ng agos ng baha at nakakapit sa sanga ng maliit na puno sa gilid ng estero. Nakita daw ito ng dalawang tao. Dahil sanay mag-alaga ng mga pusa iyung isa, naglakas-loob ito na bumaba sa may gilid ng estero para abutin ang pusa at mailigtas ito. Pero nang abutin niya ang pusa, bigla siyang kinalmot nito, habang naginginig sa lamig at takot. Sabi ng kasama nitong nagliligtas, “Hayaan mo na ngang malunod ang pusang kalye iyan. Siya na nga ang inililigtas, nangangalmot pa.” Sumagot ang kaibigan, habang pinapahiran ang dugo sa nakalmot niyang kamay, “Natural lang sa pusa ang mangalmot kapag natatakot ito, dahil hayop ito. Natural din lang sa akin ang maawa at magmalasakit dahil tao ako.”
Hindi kaya parang ganito ang ibig sabihin ni San Pablo sa ating unang pagbasa na ang Diyos daw, kahit talikuran natin siya at pagtaksilan, mananatili pa rin siyang tapat dahil hindi niya maitatatwa ang sarili niya. “He remains faithful even when we are unfaithful because He cannot deny himself.” Kung likas sa tao ang magkasala, likas din sa Diyos ang magmahal na walang kundisyon.
Pero teka, hindi ba kahit ang hayop napapaamo? Kapag mabangis daw ang aso, malamang pinagmamalupitan ito ng amo niya. Nagiging maamo ang hayop kapag sanay sa aruga at kalinga ng amo. Kung sa hayop ganyan, sa tao pa kaya? Kapag lumaki kang may mabuting asal dahil sa kalinga ng mapagmahal na pamilya at naging mabuti kang tao, minsan kapag may nakakatagpo tayong mga taong may masamang asal o ugali, o sanay sa masamang gawain, akala natin masamang tao sila. Hindi natin alam na hindi naman lahat ay pinalad na lumaki sa kalinga, malasakit ng mapagmahal na pamilya. Ang iba ay lumaking parang askal o pusakal, palaboy sa kalsada, minaltrato o inabuso ng mga magulang, pinagmamalupitan kaya nasanay sa magmatigas ang puso, di marunong magtiwala, sanay sa udyok ng “lintik lang ang walang ganti” o “matira na lang ang matibay.” Dahil sanay masaktan, laging handang manakit. Paano matututong magmahal ang taong hindi minahal?
Kaya siguro pag-ibig sa Diyos nang higit sa lahat at pagibig sa kapwa na gaya ng sarili ang pinakadakilang kautusan , ayon sa turo ni Hesus. Dahil hindi matututong magpakatao ang hindi nakaranas ng anumang pag-ibig at malasakit sa kapwa. Sayang at kung minsan, napakababa ng pagtingin natin sa ating pagkatao. Pag nagkamali, kapag pumalpak at nagkasala, ang karaniwang hirit natin ay TAO LANG PO! Kaya tuloy “original sin” ang tawag natin sa unang kasalanan o kasalanang mana. Nakakalimutan tuloy natin na bago nangyari ang original sin ay may original blessing. Na nilikha tayong likas na mabuti. Na kalooban ng Diyos na tayo’y matutong magmahal nang buong puso, isip at kaluluwa dahil ganyan din niya tayo minahal. Niloob niya na tayo’y maging hugis at wangis niya, na tayo’y matulad sa kanya. Hindi raw isinugo ng Diyos ang Anak niya dito sa mundo para hatulan tayo kundi para iligtas tayo. Dahil likas na mabuti ang Diyos na lumikha sa atin, imposibleng magkaroon ng taong likas na masama.