256 total views
Magpasalamat sa nakalipas na taon, at ipagpasalamat sa Panginoon ang panibagong taon na isang magandang pagkakataon para sa pagbabago at pagkakaroon ng pag-asa.
Ito ang mensahe ni San Jose, Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari sa mamamayan sa pagpasok ng taong 2018.
“Isang pagkakataon ang bagong taon para magpasalamat. Kasi minsan ang dami nating natatanggap sa buong taon subalit hindi tayo nagkakaroon ng pagkakataon na huminto at magpasalamat sa Diyos sa buong taon ng 2017. Gayundin, it is a chance for us to say ‘sorry’ sa dami ng kasalanang nagawa sa Diyos at isat-isa,” mensahe ni Bishop Mallari.
Giit pa ng obispo, gamitin ding pagkakataon ang panibagong yugto ng ating buhay na magpatawad at humingi ng kapatawaran para sa magandang pagsisimula.
Noong nakalipas na Disyembre, binaril at napatay ng di pa kilalang mga armadong grupo si Fr. Marcelito Paez-isang pari mula sa Diocese ng San Jose.
Ayon kay Bishop Mallari, hangad nila ang pagpapatawad sa pumaslang sa pari, bagama’t mahalaga pa rin ang makamit ang katarungan sa kaniyang pagkakamatay.
“We forgive the killers. But we also find a way to able to solve the problem para hindi paulit-ulit na ginagawa. Kasi mahalaga rin na ‘we put a stop’ sa ganitong pagpatay, dahil mahalaga ang buhay ng tao. Mahalaga na tayo lahat ay magsama-sama, protektahan ang bawat isa, ang buhay to the last end,” ayon pa sa Obispo.
Una na ring kinondena ng Diocese ng San Jose, Nueva Ecija ang pagpatay kay Fr. Paez na kilalang nagsusulong ng karapatan ng mga manggagawa at magsasaka.
Si Fr. Paez, 72 taong gulang ay nagsilbi sa Diocese ng San Jose, Nueva Ecija sa loob ng 32 taon at aktibong miyembro ng Rural Missionaries of the Philippines at ng Promotion of Church Peoples Response.
Sa isang mensahe ng Santo Papa Francisco, binibigyang halaga nito ang pagkikisalamuha at pagtulong ng mga pari sa kaniyang kapwa hindi lamang sa loob ng simbahan kundi maging sa mga usaping panlipunan.