409 total views
Hindi dapat ituring ng mga Filipino ang Taong 2020-bilang isang malas o mapaminsalang taon dulot na rin ng pandemic novel coronavirus at ang sunod-sunod na kalamidad na dumating sa bansa simula noong Enero.
Ayon kay Fr. Angel Cortez, executive secretary ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) for Men, ang bawat taon ay itinalaga bilang taon ng Panginoon na tuwinang nagbibigay ng biyaya at pagpapala sa sangkatauhan.
Ipinaliwanag ng Pransiskanong pari na sa halip ay dapat ituring ang kasalukuyang taon bilang taon ng paglilinis o ‘purification’.
Ito ay sa pamamagitan ng pagninilay sa ating pananampalataya, pagtingin sa kalikasan gayundin sa usapin ng pulitika.
PANANAMPALATAYA
“Dapat ituring ang taong 2020 bilang A year of great realization na as we celebrate the 500 years, dapat meron na tayong realization sa buhay natin bilang mga katoliko na hindi lamang tayo sinakop ng mga Kastila para maging Katoliko, that we are destined to be people of God. And also, we anticipate hope after we experienced everything yun bang lalu nating mapalalim ang pananampalataya, yung grasya, yung awa ng Diyos nandoon all through-out pandemic. Hindi Nya tayo pinabayaan, tayo ang lumalayo dahil ang tingin natin pinaparusahan tayo,” ayon kay Fr. Cortez.
Ipinagdarasal ng pari na ang bawat isa ay magkaroon ng pagbabalik loob at pagsusuri sa ating pananampalataya na magdudulot nang higit pang pagkilala sa mga biyaya ng Diyos lalu’t naghahanda ang buong Pilipinas para sa ika-500 taon ng Kristiyanismo sa bansa na ipagdiriwang simula sa taong 2021 hanggang 2022.
“So, at least hindi lang tayo nag-celebrate, kundi dinaanan natin ang proseso. Katulad ng mga kristiyano noon bago dumating ang kristiyanismo dito,” ayon kay Fr. Cortez.
PULITIKA
Ipinaliwanag pa ni Fr. Cortez na ang purification ay hindi lamang sa usapin ng pananampalataya kungdi maging ang ating pananaw sa pulitika at mga usaping panlipunan.
Sinabi ni Fr. Cortez na isa rin itong pagkakataon na makilala ang bawat lider ng pamahalaan sa kanilang pagmamalasakit sa mamamayan lalu na sa panahon ng pangangailangan.
“Nasubok natin ang ating liderato natin ngayon. Sino talaga ang mayroong hangarin na magsilbi. Kaya makikita mo ngayon kung sino ang may malasakit.
KALIKASAN
Bukod sa pandemya, labis din ang tinamong pinsala at lawak ng epekto sa mamamayan ng pananalasa ang magkakasunod na bagyo.
Dahil sa malawakang pagbaha ay maraming mga pamayanan ang nalubog sa baha at mga pagguho ng lupa.
Ayon sa pari, nawa ay mapagnilayan ng bawat mamamayan ang pagsasantabi sa pangangalaga ng kalikasan at ang pagbibigay ng halaga sa mga nilikha ng Diyos tulad ng mga puno at bundok na ating pananggalang laban sa mga kalamidad.
Sa pagbubukas ng taon, sumabog ang bulkang Taal, lumaganap ang novel coronavirus at ang magkakasunod na pananalasa ng malalakas na bagyo sa bansa kaiblang ang Super Typhoon Rolly at Ulysses na nagdulot ng labis na pinsala sa malaking bahagi ng Luzon kasama na ang Metro Manila.