178 total views
Pinasasalamatan ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity ang Radio Veritas, Sangguniang Layko, Archdiocese of Manila,Green groups at mga mananampalataya sa matagumpay na “Penitential Walk For Life” noong Biyernes Santo.
Pinuri ni Bishop Pabillo ang magagandang intensyon na nakapaloob sa bawat istasyon ng krus na nagtataguyod sa iba’t-ibang aspeto ng buhay.
Inihayag ni Bishop Pabillo na sinasalamin ng bawat intensyon ang pagiging tao ng Panginoon upang mabigyan ng maayos na buhay ang mananampalataya.
“Maraming salamat sa Veritas, at maraming salamat sa Layko at sa Archdiocese sa pag-organize ng Penitential Walk for Life, naging matagumpay, madaming dumalo at higit sa lahat maganda yung mga pagninilay tungkol sa mga usapin tungkol sa buhay. Yan ang dapat panindigan nating lahat kasi ang usapin sa buhay yan po ay may kinalaman sa ating pananampalataya sapagkat si Hesus nga ay naging tao upang bigyan tayo ng buhay, kaaya-ayang buhay,” bahagi ng pahayag ng Obispo sa Radyo Veritas.
Samantala, nakiisa din ang makakalikasang grupo sa Penitential Walk For Life bilang bahagi ng pagtataguyod nito sa buhay ng Kalikasan.
Ayon kay Rev. Fr. John Leydon – Convenor ng Global Catholic Climate Movement, mahalagang pakinggan ng taumbayan ang tinig ng kalikasan na humihingi ng tulong dahil sa unti-unting pagkasira nito.
Sa pamamagitan nito ay maririnig din ang tinig ng Panginoon na unang nag-atas sa tao ng tungkuling pamahalaan at linangin ang kanyang nilikha.
“Talagang nasa krisis na tayo at very dangerous kung ano man ang magaganap at mabuti na pagnilay-nilayan natin na si Hesus ay simbolo na pinapako natin sa Krus yung mga mahihirap at pati rin ang kalikasan,” pahayag ni Fr. Leydon sa Radyo Veritas.
Kabilang sa mga usaping ipinanalangin sa bawat istasyon ng Krus ang pagpapatigil sa Parusang Kamatayan, Human Trafficking, pag-rehabilitate sa mga Drug user / pushers, pagsupil sa Abortion, at pangangalaga sa kalikasan.
Umaabot sa 5,000 mga mananampalataya ang nakilahok sa Penitential Walk for Life, kung saan hinimok ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga mananampalataya na sa muling pagkabuhay ng Panginoon ay isabuhay rin ang kanyang pagsasakripisyo para sa kasagraduhan ng buhay.