288 total views
Nilinaw ng Social Action Center Director ng Diocese of Legazpi na ang inilabas na “open letter” ng diyosesis ay hindi lamang panawagan kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte hinggil sa Extra-Judicial Killings kundi maging sa bawat mamamayan at lahat ng sektor ng lipunan na gumawa ng hakbang para tuluyang matigil ang mga kaso ng EJK sa bansa.
Paliwanag ni Fr. Rex Arjona, Social Action Director ng Diocese of Legazpi, bukod sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng Extra-Judicial Killings sa bansa ay nakababahala rin ang tila pagsasawalang bahala ng mga mamamayan sa naturang usapin.
Giit ng Pari, tuwirang paglabag sa batas ng tao at batas ng Diyos ang pagkitil ng buhay ng sinuman.
Paliwanag ni Fr. Arjona, hindi dahil sa kriminal o makasalanan ang isang tao ay may karapatan na ang mga otoridad na kitilin ang buhay ng mga ito para sa ikapapayapa ng lipunan.
“Kasi isa sa mga worrisome na nangyayari, of course worrisome talaga yung patayan at aabot na sa limang libo, isa pa sa nakakapag-worry dito yung mga tao natin, ang pamayanan, ang sambayanan ay parang normal na lamang ito parang katanggap tanggap na, na ‘ okey lang na patayin sila kasi kriminal naman, drug addict naman parang mabawasan na nga buti nga yan para mas mapayapa tayo sa ganito..’ so illegal yata, hindi talaga ito tama kaya kailangan na nating magpahayag, magsalita at gumawa ng aksyon…” pahayag ni Fr. Arjona sa panayam ng Radio Veritas.
Magugunitang, nasasaad sa Open Letter ng Diocese ng Legazpi ang pag-apela kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipag-utos ang pagpapatigil at pagpanagot sa batas ng mga sangkot sa extra-juducial killings sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga sa bansa.
Sa pinakahuling datos ng Philippine National Police, tinatayang umaabot na sa higit 4,600 ang napatay sa patuloy na War on Drugs ng pamahalaan na nagsimula noong buwan ng Hulyo.
Kaugnay nito, bilang tugon ng Diyosesis ng Legazpi sa kasalukuyang War on Drugs ng pamahalaan ay pagtatag ng House of Hope o ‘Harong Paglaom’, isang rehabilitation center para sa libreng rehabilitasyon sa mga substance users at drug addicts sa lalawigan.