17,757 total views
Ipinapanalangin ni San Fernando, La Union Bishop Daniel Presto ang pananaig ng katapatan at kapayapaan sa nalalapit na 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre 30.
Ayon kay Bishop Presto, maging batayan nawa ng mamamayan ang paghalal sa mga kandidatong mapagkakatiwalaan at tapat na gagampanan ang tungkuling paglingkuran ang kinasasakupan.
Iginiit ng obispo na hindi sukatan ang pagiging kamag-anak, kaibigan, kasikatan, at salapi sa pagpili ng kandidato, kun’di ang kakayahan nitong tuparin ang mga plataporma at pangako para sa ikabubuti ng pagsisilbihang pamayanan.
“Nawa ay mapili natin talaga ang maglilingkod hindi sapagkat sila’y ating kamag-anak, kaibigan, kun’di sila’y alam nating makapaglilingkod sa atin nang tapat para sa kapakanan ng ating mamamayan sa ating barangay. Sila ‘yung mga taong may malasakit, hindi lang sapagkat popular sila at may pera, kun’di sila ‘yung mga taong handang magmalasakit at maglingkod sa mga nasasakupan nilang kababayan natin.” pahayag ni Bishop Presto sa panayam ng Radio Veritas.
Inihayag naman ni Bishop Presto na maliban sa katapatan, dapat ding maging katangian ng mga kandidato ang pagkakaroon ng malasakit sa kalikasan lalo’t nahaharap ang daigdig sa climate crisis.
Sinabi ng obispo na kailangang higit na isulong sa mga pamayanan ang mga programang magpapaigting sa kaalaman at kasanayan ng mamamayan hinggil sa pangangalaga at pagpapanatili ng kalinisan ng kapaligiran.
“Isa rin sa mga pwedeng makita natin ay ‘yung mga maglilingkod sa atin na may pagmamahal sa ating kalikasan. ‘Yung mag-i-implement nuong programa natin ng waste management at gayundin ng promotion upang maiwasan ang pag-init ng ating kapaligiran. Sila ‘yung mga taong may malasakit hindi lang sa kapwa kun’di sa ating kalikasan.” saad ni Bishop Presto.
Kaugnay naman sa nalalapit na paggunita sa mga banal sa unang araw ng Nobyembre, dalangin ni Bishop Presto na patnubayan nawa ng mga banal ang mga kandidato upang maging huwaran ng kababang-loob at katapatan sa paglilingkod sa kapwa.
“Hilingin natin ang panalangin ng mga banal sa langit upang sa ating gaganaping eleksyon sa Barangay at Sangguniang Kabataan, tayo nawa’y maging mapayapa at ang ating bansa nawa’y malayo sa anumang darating na sakuna at anumang problemang mabibigat na ating haharapin,” dalangin ng obispo.
Naunang hinimok ni Capiz Archbishop Victor Bendico ang mga BSKE candidates na maging responsable sa kanilang election materials.
Read:https://www.veritasph.net/bske-candidates-hinimok-na-maging-responsable/