478 total views
Inilarawan ni Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas na ‘silence of dignity’ ang pananahimik ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III matapos ang paninilbihan sa bayan.
Sa pagninilay ng arsobispo sa requiem mass sa Church of Gesu sa Ateneo De Manila University sinabi nitong binigyan ng karangalan ng dating punong ehekutibo ang paninilbihan ng tapat sa bayan.
“A silence after his [President Aquino] presidential term is a silence of dignity as he brought dignity and honesty in his service to the nation. As our president he preserved that dignity after his retirement; it was a silent of a noble stateman, it was silence of Daang Matuwid, it was a silence of nobility that sense of dignity that is truly missed now,” bahagi ng pagninilay ni Archbishop Villegas.
Binigyang diin ni Archbishop Villegas na ang pananatiling simpleng mamamayan ng namayapang pangulo ay bukod tanging Diyos ang nakakakita sa bawat paghihirap na kinakaharap at pakikipaglaban nito sa karamdaman.
Giit ng arsobispo na ang pinakamagandang parangal na maialay kay dating Pangulong Aquino bukod sa magagandang salita na ipinahahayag ay ang pagpapatuloy at pagpapaigting sa matapat na paglilingkod sa sambayanang Pilipino.
“The best eulogy tribute we can pay to our dear President Noy is to bring back, recover, preserved, safeguard and never again to compromise our dignity as a people and decency of our leaders as servants not bosses,” ani ng arsobispo.
Inalala ng opisyal ng simbahan ang mga mabubuting nagawa ng dating pangulo para sa kapakanan at kapakinabangan ng mamamayang Pilipino at pagpapaunlad sa bansa.
Namayapa si PNoy noong Hunyo 24 ng umaga sanhi ng renal failure dahil sa diabetes ayon na rin sa pamahayag ng pamilya Aquino.
Una nang nagpahayag ng pakikiisa at pakikidalamhati ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa pagpanaw ng dating punong ehekutibo at pinasasalamatan ang lahat ng tulong nito sa simbahan lalo na sa malaking gawain ng simbahan tulad ng canonization ni San Pedro Calungsod noong 2012, pagdalaw ng Kanyang Kabanalan Francisco noog 2015 at pagdaos ng International Eucharistic Congress noong 2016.
Umaasa naman si Archbishop Villegas na nawa’y ang pagpanaw ni PNoy ay pupukaw sa kamalayan ng mamamayang Filipino na panumabalikin ang karangalan sa bawat naglilingkod sa bayan.
“Maybe and I do hope his [PNoy] death will spark another fire within us to resurrect his example of decency and integrity,” saad ni Archbishop Villegas.
Inihatid sa huling hantungan ang abo ng dating pangulo sa Manila Memorial Park sa Paranaque City sa tabi ng puntod nina dating Senador Ninoy Aquino at dating Pangulo Corazon Aquino.