233 total views
Tiniyak ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting ang pagsasagawa ng unofficial parallel count upang matiyak ang katapatan sa resulta ng halalan kasunod ng mahigit 7-oras na aberya sa pagpasok ng mga resulta ng eleksyon returns mula sa COMELEC Transparency Server.
Gayunman, inihayag ni PPCRV Command Center Coordinator Bro. Romulo Guillermo na maaring tumagal ng dalawa hanggang tatlong linggo ang proseso ng unofficial parallel count ng PPCRV sapagkat aabutin ng tatlong araw bago dumating ang mga election returns mula sa mga polling precincts sa Visayas at Mindanao na ipapadala sa pamamagitan ng couriers.
Iginiit ng opisyal na mandato ng PPCRV bilang citizens arm ng Commission on Elections (COMELEC) na tiyakin sa publiko ang kredibilidad ng resulta ng halalan at walang mangyayaring dagdag bawas.
Ibinahagi naman ni Guillermo ang proseso ng unofficial parallel count ng PPCRV kung saan pagdating ng mga election returns ay bubuksan ito upang ilagay at itala sa mga physical log book bago i-encode sa isa pang logging system.
Kasunod nito ay pagsasamasamahin naman ang mga datos para sa local and national elections.
Ang national election returns ay igu-grupo by batch kung saan 20 sa mga ito ay muling tatanggapin at ila-log bago tuluyang i-validate at ikumpara sa transmission results na lumabas sa Transparency Server.
“First pass is they would encode it into a system where in you find in the monitor already the names of the candidates and the corresponding numbers and they just going to encode this and then from the electronic signals it will be back kapag merong discrepancy it would go down on the pass and then if there still a discrepancy it will go down to the final verifiers to prove the integrity of the transmission against the physical E.R..” paglilinaw ni Guillermo sa panayam sa Radyo Veritas.
Inihayag ni Guillermo na sa oras na may makitang hindi pagkakatugma mula sa mga datos ng Transparency Server ay dadaan ito sa masusing pagsusuri upang mapatunayan ang integridad ng Transmission kumpara sa physical Election Return.
Sa oras na makitaan ang mga ito ng discrepancy ay gagawa ng exemption report ang PPCRV para sa COMELEC upang makita at maitama ang mga datos na ito.
Ang mga datos sa isinasagawang unofficial parallel count ay base sa 4th copy ng election returns na magmumula sa mga nakatalagang PPCRV field volunteers sa may 86,000 clustered precincts sa buong bansa.
Batay sa tala noong taong 2016 ay umabot sa 77,000 election returns ang natanggap ng PPCRV na ginamit sa unofficial parallel count na mayroong match rate na 99.3-percent batay sa datos ng COMELEC.