288 total views
Tiniyak ng Philippine National Police Region 2 ang masusing imbestigasyon upang mabigyang katarungan ang pagkamatay ni Rev. Fr. Mark Anthony Ventura na binaril ng hindi pa nakikilalang salarin dakong alas-otso ng umaga matapos ang kanyang misa sa Brgy. Peña Weste, Gattaran,Tuguegarao, Cagayan.
Ayon kay PNP Region 2 Cagayan Provincial Police Office Spokesperson Police Senior Inspector Sharon Malilin, matapos ang insidente ay agad binuo ang Special Investigation Task Group Ventura upang tutukan ang pagbibigay katarungan sa kasong pagpatay.
Sinabi ni Malilin na kabilang sa tatlong motibo na kasalukuyang tinututukan ng mga otoridad ang insurgency o paghihimagsik laban kay Fr. Ventura, ikalawa ang masidhing adbokasiya ng Pari laban sa mga ilegal na gawain partikular na ang black sand mining at job related.
“Kagabi po meron na pong tatlong motibo na tinitingnan po natin yung sa Task Group Ventura po. So meron po tayo nung una po yung sa insurgency related and then yung pangalawa po is yung strong advocacy po ni Father against illegal activities and yung sa against sa black sand mining, yung pangatlo pong tinitingnan nating anggulo po is yung job related kung saan some subbordinates are not given in favor para maimpost po yung disiplinary actions po”pahayag ni Malilin sa panayam sa Radyo Veritas.
Ibinahagi ni Malilin na batay sa naging pakikipanayam sa ilang mga testigo na nakasaksi ay nagtanong pa ang mismong gunman sa isang sakristan upang malaman at tiyakin na si Fr. Ventura ang pari na katatapos lamang magmisa bago ang pamamaril.
Gayunpaman, walang sinuman sa mga nakasaksi sa insidente ang nakakilala sa mga pumatay kay Fr. Ventura sapagkat naka-helmet at wala ring plaka ang motor na ginamit ng mga ito.
Sa kabila nito, umapela ng pakikipagtulungan ng mamamayan si Malilin upang matunton ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng mga pumatay kay Fr. Ventura.
Naunang nagpahayag ng lubos na pagdadalamhati, paghihinagpis at pagkundina si Tuguegarao Archbishop Sergio Utleg sa marahas na pagpaslang kay Ventura na nagbebindesyon sa mga bata at miyembro ng kuro na nakibahagi sa kanyang katatapos na misa.
“We just lost a young priest zealous and dedicated one who smells like the sheep to one’s assassin’s bullet right after he said mass and was baptizing children; we condemn in strongest terms this brutal and cowardly act…” pahayag ni Archbishop Sergio Utleg.
Si Father Ventura ay 37-taong gulang at 7-taon pa lamang bilang Pari.
Bago maitalaga bilang Director ng San Isidro Labrador Mission Station sa Barangay Mabuno, Gattaran ay nagsilbi ring Rector si Fr. Ventura sa Thomas Aquinas Major Seminary sa Aparri, Cagayan.
Naging in-charge rin si Father Ventura ng Social Apostolate on Migrants, Director ng Mission Office under ng Commission on Worship, at Assistant Chairman ng Commission on Seminaries and Vocation sa Archdiocese of Tuguegarao.