175 total views
Bumuo ng ‘Special Investigation Task Group’ ang Philippine National Police (PNP) kaugnay sa pagpaslang kay Tanauan Batangas Mayor Antonio Halili.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Senior Superintendent Benigno Durana Jr., inatasan na ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde ang CALABARZON regional police office para sa masusing imbestigasyon sa pagpatay sa alkalde.
“We consider this as a priority case at ang ating Chief ng Philippine National Police ay agad-agad na inatasan ang Regional Director ng CALABARZON na magbuo ng special investigation task group para masusing Imbestigahan ang pagpaslang kay Mayor Halili,” ayon kay Durana.
Tiniyak din ni Durana na tinututukan ng Pulisya ang bawat insidente ng pagpaslang para mabigyan ng katurungan ang mga biktima.
Ito na ang ikalawang termino ni Halili bilang Alkalde ng Tanauan Batangas na unang naluklok sa posisyon noong 2013.
Naging kilala ang alkalde dahil sa kanyang ‘Walk of Shame Campaign’ laban sa mga hinihinalang may kaugnayan sa illegal na droga at pagnanakaw.
Taong 2017, kabilang ang pangalan ni Halili sa talaan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na mga opisyal ng pamahalaan na sangkot sa Ilegal na droga.
Si Halili ang ika-walong Alkalde na napatay simula nanungkulan ang Pangulo noong 2016.
Una na ring nanawagan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa Pamahalaan laban sa patuloy na karahasan sa Bansa.(Marian Navales-Pulgo)