892 total views
Mga Kapanalig, ginugunita natin ngayon ang kaarawan ng isa sa mga kilalá at dinadakilang bayaning Pilipino, si Gat Andres Bonifacio. Marami na tayong narinig tungkol sa kanyang buhay at sa kanyang kamatayan sa kamay ng mga kapwa Pilipino. Sa tuwing babalikan natin ang buhay ni Bonifacio, mainam na tanungin natin ang ating mga sarili: anu-ano nga ba ang tatak ng isang tunay na bayani?
Upang masagot ito, kailangan nating kilatisin ang isang kinikilalang bayani hindi lamang sa pamamaraang kanyang napili upang itaguyod ang kanyang ipinaglaban. Sa kaso ni Bonifacio, kailangan nating lampasan ang mga “stereotypes” o pagkakahon sa kanya. Palawigin natin ang pagkilala sa kanyang pagkabayani na sa napakahabang panahon ay ibinabatay lamang sa imahe niyang may hawak na bolo habang isinisigaw ang mithiing makalaya ang Pilipinas sa kamay ng mga mapang-aping mananakop.
Huwarang Pilipino si Bonifacio. Sinasabing siya ang nagtaguyod sa kanyang mga kapatid nang mamatay ang kanilang mga magulang. Nagsumikap siyang maghanapbuhay kasabay ng paglinang sa kanyang kaalaman. Nang dumating ang panahon ng unti-unting paggising ng mga Pilipino sa katotohanan ng hindi pagkakapantay-pantay sa kanilang lipunan, buong giting niyang sinimulan ang isang kilusang aagapay sa mga kababayang naghahangad ng pagbabago. Lider ng Katipunan si Bonifacio, ngunit hindi niya ginamit ang kayang katungkulan upang isulong ang kanyang pansariling interes.
Ang tunay na bayani ay may kakayahang intindihin ang kalagayan kanyang kapwa, hindi ang sila’y pagsamantalahan. Ito ang nag-uudyok sa kanyang kumilos, hindi para iangat sa pedestal ang sarili o para masunod ang kanyang sariling kapritso, kundi upang ang mga pinagkakaitan ng katarungan ay makatanggap nito.
Sa kasaysayan ng ating pananampalatayang Katoliko, itinuturing nating mga bayani ang mga karaniwang taong sinaksihan ang kanilang pananampalataya sa hindi pangkaraniwang paraan. Sila ang mga martir at mga santo, mga huwaran kung paano mabuhay bilang mga tagapagpalaganap ng Mabuting Balita sa isang magulo at kumplikadong mundo. Sa tuwing ginugunita natin sila sa araw ng kanilang kapistahan, ipinapaalala sa atin ang buhay na kanilang tinahak, at mula rito ay makahahango tayo ng karunungan at lakas upang tayo rin ay makapag-ambag sa pagtatag ng kaharian ng Panginoon dito sa lupa. Sa kanila natin nakikita ang pagkilos ng pag-ibig ng Panginoon tungo sa mas pantay at mapayapang buhay ng Kanyang mga nilikha.
Hindi nalalayo ang mga katangian ng isang martir o santo sa isang bayaning nagsulong ng tunay na katarungan para sa kanyang bayan. Kapwa ay naghahangad ng pagbabagong hindi lamang nakatuon sa sarili. Iniaalay nila ang kanilang buhay para sa isang mas malaki at mas malalim na dahilan. Handa silang magsakripisyo, handa silang iwan ang pansariling kapakanan, dahil naniniwala silang ang buhay sa mundo, upang maging makabuluhan at makahulugan, ay dapat na inilalaan para sa kabutihan ng mas nakararami.
Mga Kapanalig, mainit hanggang sa ngayon ang isyu ng paglilibing kay dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani. (Minsan na natin itong tinalakay sa isang editoryal.) Ngunit sa araw na ito, kung kailan natin inaalala ang kabayanihan ni Gat Andres Bonifacio, tunay namang napapanahong pag-isipang mabuti kung anu-ano ang ating mga batayan upang sabihing ang isang Pilipino ay nararapat na kilalanin bilang isang bayani, bilang isang mabuting halimbawa, hindi lamang ng katapangan kundi ng tunay na paglilingkod sa kanyang kapwa.
Nawa’y hindi lamang sa mga okasyong ito natin pinagninilayan ang pagiging isang bayani. Araw-araw natin itong pagmunihan sa ating pakikisalamuha sa iba, sa tuwing nanonood tayo ng balita, o kapag may nababasa tayo sa social media. At tayo mismo, sa ating mga kilos, gawi, at salita, paano ba natin isinasabuhay ang halimbawa ng mga taong kinikilala nating bayani? Dahil kung ang kinikilala nating “bayani” ay inuna ang sarili sa halip na paglingkuran nang tapat ang kanyang kapwa, magdalawang-isip tayo sa bayaning ating tinitingala.
Sumainyo ang katotohanan.