981 total views
Mga Kapanalig, tatlong dekada na ngayong taon ang Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP na naisakatuparan sa pamamagitan ng Republic Act No. 6657 o ang Comprehensive Agrarian Reform Law of 1988. Isa ito sa mahahalagang programang sinimulan kasabay ng unti-unting pagtatatag ng demokrasya sa Pilipinas matapos ang mahabang panahon ng diktadura. Layunin ng CARP na maipamahagi ang mga lupang-sakahan sa mga magsasaka at manggagawa sa mga sakahan at tulungan silang umunlad at magkaroon ng maayos na pamumuhay.
Mula noon hanggang 2017, mahigit 4.7 milyong ektarya ng lupang sakahan—kasama ang mga pribadong sakahan—ang naipamahagi na sa 2.8 milyong magsasaka o agrarian reform beneficiaries o ARBs. Katumbas sila ang mahigit kalahati (o 54%) ng mga pamilyang umaasa sa pagsasaka. Mahigit 6,000 samahan ng mga magsasaka ang natulungan ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagbibigay ng pautang na may mababang interes, mga pagsasanay o training, at iba pa. Samantala, kailangan pang ilipat sa mga karapat-dapat na ARBs ang pagmamay-ari ng mahigit kalahating milyong ektarya ng mga sakahang isinailalim sa CARP, karamihan sa mga ito’y pagmamay-ari ng mga tinaguriang “panginoong may lupa”.
Gayunman, may dalawang malaking hamon upang lubusang makamit ang layunin ng CARP.
Una, sa mga lupaing naipamahagi na, may ilang napabayaang magamit para gawing residential o kaya naman ay commercial areas. Land conversion po ang tawag dito, at may mga kaso ng land conversion na hindi dumaan sa tamang proseso o kaya nama’y naaprubahan kahit hindi kumpleto ang mga requirements. May mga kaso ring nagawan ng paraan upang lusutan ang nakasaad sa batas upang palitawing legál ang land conversion, gaya na lamang ng pagpatag ng isang bundok sa Boracay. Kung inyong maaalala, inusisa ng isang babaeng lider-magsasaka, si Ka Elvie Baladad, ang pagsira sa bundok ng kompanyang pagmamay-ari ng pamilya ni Senadora Cynthia Villar. Ani Ka Elvie, ang lupang sinira o lupang tinayuan na ng kabahayan ay hindi na maaaring taniman ng palay.
Hadlang din sa pamamahagi ng lupang sakahan ang hindi pagkakasama sa CARP ng marami pang pribadong sakahan. Hindi na nagawang isyuhan ng Department of Agrarian Reform o DAR ng notice of coverage o NOC ang mga ito bago matapos ang itinakdang panahon ng programa. Ang NOC ang simula ng proseso ng pamamahagi ng lupa sa mga benepisyaryo, kaya’t kung walang NOC, walang lupang maipamamahagi. Sa mga nabigyan naman ng NOC, marami ang sinasabing erroneous o may mga mali gaya ng hindi tamang sukat ng lupa o hindi kumpletong pangalan ng may-ari na naisulat sa titulo. Kung hindi maitatama ang mga ito, wala ulit lupang maipamamahagi.
Hindi perpektong solusyon ngunit isang mahalagang hakbang ang CARP upang tugunan ang problema ng ‘di patas at ‘di makatarungang paggamit ng likas-yamang katulad ng lupa sa Pilipinas. Alinsunod din ito sa isang batayang prinsipyo ng panlipunang turo ng Simbahan—ang pangkalahatang layunin ng mga bagay sa mundo at ng pribadong ari-arian; sa Ingles, universal purpose of earthly good and private property.
Gaya ng sinasabi sa Gaudium et Spes, “Inilaan ng Diyos ang daigdig at ang lahat ng mga nilalaman nito para sa lahat ng tao upang makatarungang mapagbahaginan ng sangkatauhan ang lahat ng bagay na nilalang…” Ginamit naman sa Populorum Progressio ang winika ni San Ambrosio upang bigyang katwiran ang pamamahagi ng yaman ng mundo lalo na sa mga mahihirap. Ani San Ambrosio, “Hindi ninyo ibinibigay ang inyong kayamanan sa taong dukha. Ibinibigay ninyo sa kanya ang sa kanya… Ipinagkaloob ang mundo sa lahat, at hindi lamang sa mga nakaririwasa.” Ito ang diwa ng CARP.
Ang tanong ngayong tatlong dekada na ang CARP: seryoso kaya ang administrasyong Duterte na ipagpatuloy ang repormang agraryo? O hahayaan nitong manatili sa kamay ng iilan ang mga lupang dapat pakinabangan ng lahat?
Sumainyo ang katotohanan.