1,406 total views
Nagbabala ang pamunuan ng Diocese of Iba sa kumakalat na solicitation letter na ginagamit ang pagkakakilanlan ng obispo at ng isang pari ng diyosesis.
Sa pamamagitan ng isang opisyal na babala ay inihayag ng pamunuan ng Diocese of Iba ang kanilang mga natatanggap na ulat mula sa mga mananampalataya kaugnay sa isang solicitation letter na ginagamit ang pagkakakilanlan ni Rev. Fr. Ernesto C. Raymundo, na siyang Vicar General at Parish Priest ng St. James Parish sa Subic, Zambales na may lagda ni Iba, Zambales Bishop Bartolome Santos.
Nilinaw ng diyosesis na kapwa walang kaugnayan si Bishop Santos at si Fr. Raymundo sa nasabing solicitation leter.
“The Roman Catholic Diocese of Iba was informed that many people received a solicitation letter, claiming to be from Rev. Fr. Ernesto C. Raymundo, our Vicar General and Parish Priest of St. James Parish, Subic, Zambales. We advise everyone to be mindful and refrain from responding to emails, phone call, messages, and friend request from various social networking sites because these accounts are not owned by Fr. Ernie.” babala ng Diocese of Iba.
Pinaalalahanan ng diyosesis na sakali mang makatanggap ng kaduda-dudang solicitation letter na nanghihingi ng donasyon ay agad makipag-ugnayan sa tanggapan ng mga parokya o ng diyosesis upang matiyak kung ito ay lehitimo.
“If ever you received a solicitation similar to this one asking for funds using the name of our clergy or the diocese, kindly message us through this page so we can verify if it is really from the signatories.”paalala ng Diyosesis ng Iba.
Sa nalalapit na pasko ay patuloy na pinapaalalahanan ng Simbahang Katolika ang mananampalataya na mag-ingat laban sa mga mapagsamantalang indibidwal o grupo na ginagamit ang pangalan ng Simbahan, kongregasyon, cardinal, obispo, pari, madre at iba pang lingkod ng Simbahan upang makapanglinlang at makapangalap ng pinansyal na donasyon.