260 total views
Hindi kapakanan ng mga mga mamamayan ang prayoridad ng mga mambabatas sa pagsusulong ng Charter Change kundi ang kanilang mga pansariling interes, kanilang mga posisyon at katungkulan.
Ito ang binigyang diin ni Sr. Teresita Alo, SFIC isa sa mga madreng miyembro ng Gomburza na mariing tumututol sa charter change.
Iginiit ng Madre na ang pananatili ng political dynasty ang isang batayan sa pagiging gahaman ng mga politiko sa posisyon at kapangyarihan kung saan ang mga mahihirap ang magdurusa sa negatibong resulta ng pag-amyenda sa 1987 Constitution.
“It will not really benefit our people and then of course dynasty system will go on and then this is really perpetuation of power kasi ayaw nilang bumaba sa kanilang mga posisyon dahil malaki ang advantage na nakukuha nila at the expense of the poor so talagang strongly we are going to protest against Cha-Cha” pahayag ni Sr. Alo sa panayam sa Radyo Veritas.
Naninindigan ang Madre na isa mga key player ng EDSA 1 na lalong paigtingin ang pagtutol sa planong pagpapalit ng Saligang Batas upang bigyang daan ang Federalismo na ninanais ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Paliwanag ni Sister Alo, mabigat ang implikasyon sa mga mahihirap ng pagpapalit ng Saligang Batas sapagkat tanging ang mga mayayaman at mga nasa posisyon lamang ang makinabang dito.
“Labanan ang Cha-Cha hindi namin pwedeng pahintulutan na maipasa ang Cha-Cha kasi mabigat ang implikasyon niyan sa mga mahihirap lalong lalo na kasi nakapaloob diyan yung Federalismong nais isulong ng ating Presidente Duterte ito’y pagpapahirap lamang sa mga mahihirap ang it will perpetuate the power that is already there in government” Dagdag pa ni Sr. Teresita Alo.
Kaugnay nito, inihayag ni Rev. Fr. Robert Reyes – Spokesperson ng Gomburza na kanilang paiigtingin ang pagkilos para tutulan chacha.
Matatandaang pinangunahan ng Gomburza ang 9 na araw na pagdadasal at pag-aayuno na Dasal at Ayuno Laban sa Cha-Cha, Para sa Demokrasya upang ipahayag ang pagkundina sa isinusulong na pag-amyenda ng mga mambabatas sa Saligang Batas.