403 total views
Hinihikayat ng The Climate Reality Project Philippines at The Climate Reality Project Indonesia ang mamamayan na makibahagi sa #GenerationRestoration at #RestoreTheEarth campaign bilang pangangalaga sa kalikasan.
Ito’y sa pamamagitan ng programang “Restore, an Adopt-A-Seedling Donation Drive na bahagi ng paggunita sa World Environment Day 2021 at Philippine Environment Month.
Layunin ng donation drive na suportahan ang reforestation at forest conservation efforts ng mga local community-based organization sa Pilipinas at Indonesia.
Ang pondong malilikom sa nasabing proyekto ay gagamitin sa tree-planting activities na isasagawa sa Hunyo 25, 2021, kasabay ng paggunita sa World Arbor Day.
Katuwang sa programang ito ang Fostering Education and Environment for Development, Inc. (FEEDInc) para sa Pilipinas at Alam Sehat Lestari (ASRI) para naman sa Indonesia.
Maaari namang ipahatid ang mga donasyon sa pamamagitan ng Cash Donations, Raffle Tickets na pwede lamang sa mga donors mula sa Pilipinas kung saan posibleng manalo ng mga sustainable packages, at Adoption Program na maaari lamang para sa mga nasa Indonesia at makakatanggap ng isang tree seedling.
Sa mga nais magpaabot ng donasyon, bisitahin lamang ang facebook page ng The Climate Reality Project Philippines para sa karagdagang impormasyon.
Magugunita sa Laudato Si ni Pope Francis na lahat tayo ay maaaring makibahagi at maging instrumento ng Panginoon sa pangangalaga at pagpapanatili ng ating nag-iisang tahanan batay sa ating kultura, karanasan, at talento.