192 total views
Nanawagan ng sama-samang paninindigan ang Simbahang Lingkod ng Bayan (SLB) na siyang socio-political apostolate arm ng Society of Jesus in the Philippines kaugnay sa nalalapit na pagtatapos ng Status Quo Ante Order ng Korte Suprema sa nakatakdang paghihimlay sa Libingan ng mga Bayani kay dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Sa mensaheng ipinaabot ng SLB, nagpahayag ito ng pangamba sa nalalabing 13-araw at mapapaso na ang ipinataw na 20-araw na Status Quo Ante Order ng Supreme Court upang dinggin ang mga petisyong inihain ng iba’t ibang grupo laban sa paghihimlay kay dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
“We are 13 days away from the possibility of allowing human dignity, truth, justice, solidarity, peace and genuine empowerment, to be buried along with the burial of the dictator at the Libingan ng mga Bayani…” ang bahagi ng pahayag ng Simbahang Lingkod ng Bayan.
Kaugnay nito, nanindigan ang Simbahang Lingkod ng Bayan sa pangunguna ni Rev. Fr. Patrick Dominador Falguera- Executive Director ng SLB na ang paghihimlay sa dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani ay maihahalintulad rin sa paglilibing sa katotohanan, katarungan, kapayapaan at dignidad ng mga mamamayan na tuwirang nilapastangan sa ilalim ng Rehimeng Marcos at ng Batas Militar na kanyang idineklara sa loob ng 14-na-taon.
“Simbahang Lingkod ng Bayan (SLB), the socio-political apostolate arm of the Society of Jesus in the Philippines thus appeals to continue make a stand against the perpetuation of lies and against the injustices that have been committed to our country and the Filipino people…” panawagan ng SLB.
Batay sa tala sa ilalim ng Martial Law, tinatayang aabot sa higit 3,200 ang sinasabing pinaslang, nasa 34-na-libo ang na-torture habang higit sa 70-libo naman ang ikinulong dahil sa hindi pagsang-ayon sa patakaran ng Administrasyong Marcos.
Bukod dito nasa higit 75-libong indibidwal rin mula sa buong bansa ang lumapit sa Human Rights Claims Board na biktima ng iba’t ibang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng Batas Militar at Rehimeng Marcos.
Nauna nang kinumpirma ni dating Senador Bongbong Marcos ang paglilibing sa kanyang ama sa ika-18 ng Setyembre ng kasalukuyang taon sa 103-ektaryang Libingan ng mga Bayani kung saan nakahimlay ang may 49-na-libong sundalo, war veterans at mga itinuturing na martir at bayani ng bansa.