196 total views
Nagpaabot ng pasasalamat si incoming Catholic Bishop Conference of the Philippines Vice President Caloocan Bishop Pablo Virgilio David sa lahat ng mga nakiisa sa isinagawang “Lord, Heal Our Land Sunday” sa EDSA Shrine kung saan inilunsad ang “Start the Healing” campaign ng Simbahan.
Ayon sa Obispo, ang bawat isa ay kabahagi sa pagsusulong ng paghilom ng bayan mula sa mga pagdadalamhati at karahasan na idinulot ng kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga.
Paliwanag ni Bishop David ang panawagang ito sa paghilom ay bahagi ng pangkabuuang panawagan ng kapayapaan at pagkakaisa sa buong bayan.
“Nagpapasalamat ako sa lahat ng dumalo dito sa ating pagdiriwang at naging napakahulugan at sana lahat tayo ay maging kabahagi dito sa trabaho ng paghihilom, because it’s really a call for peace…” pahayag ni Bishop David sa panayam sa Radio Veritas.
Pagbabahagi naman ng Obispo, ang patuloy na pagpapaigting sa community based rebilitation program ng Diocese of Caloocan para sa mga drug-surrenderers at kanilang pamilya ay bahagi ng hakbang ng diyosesis upang simulan ang paghihilom sa pamayanan.
“Yung paghihilom ay ginagawa namin sa diocese namin sa pamamagitan ng aming community based rebilitation program na tuloy tuloy ngayon sa kasalukuyan…”dagdag pa ni Bishop David.
Unang nanindigan ang Obispo na mahalaga ang pagtanggap at suporta ng pamilya at ng buong kumunidad sa mga drug dependents upang ang mga ito ay makapagbalik loob at makapagbagong buhay.
Batay sa tala ng Diocese of Caloocan, may anim na batch na ang nagtapos sa Church initiative na Salubong na isang 16-week program kung saan noong lamang ika-29 ng Oktubre ay umabot sa 150-ang mga drug dependent ang nagsipagtapos.