199 total views
Hinimok ni Archdiocese of Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma, chairman ng Climate Change Congress of the Philippines ang mga mananampalataya na gumawa ng paraan upang makatulong sa pagbabago sa panganib na dulot ng Climate Change.
Ayon sa Arsobispo, mahalagang maunawaan at magkaroon ng impormasyon ang publiko kung paanong mapipigilan ang paglala ng greenhouse gas emission na nagdudulot ng pag-init ng mundo.
“Kailangang-kailangan ito sa lahat ng mga bansa na maka-unawa sila at makatulong din sa pag-minimize ng climate change effects natin ngayon,” pahayag ni Abp. Ledesma sa Radyo Veritas.
Bukod dito, pinapahanda din ni Abp. Ledesma ang Pilipinas bilang bansang nabibilang sa Pacific Typhoon Belt at gumawa ng mga paraan upang maibsan ang kasalukuyang sitwasyon na dulot ng pagbabago ng klima.
“Dito sa Pilipinas nagkaroon na tayo ng mga malakas na typhoon at ito’y mukhang resulta na rin ng climate change so para sa atin, kailangang-kailangan na mauunawaan natin yung mga panganib na dala ng climate change, at tutulong din tayo sa pagbabago ng sitwasyon ngayon,” himok ng Arsobispo.
Nitong ika-11 ng Hulyo, kabilang sa mga binigyang pansin sa Cabinet meeting ng Duterte Administration ang National Disaster Risk Reduction.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, pabibilisin ng pamahalaan ang pagresponde ng mga security personnel at health workers sa mga lugar na sinalanta, at maglalaan ito ng mas mainam na relocation site para sa mga residenteng nasa flood prone areas.
Batay sa 2015 World Risk Report, sa buong mundo ay pangatlo ang Pilipinas sa mga bansang pinaka naaapektuhan ng climate change.