240 total views
Umaapela ang mga Obispo ng Simbahang Katolika sa mga mananampalataya na makiisa sa isasagawang simultaneous Walk For Life, o sabay-sabay na paglalakad para sa pagtataguyod ng buhay na isasagawa sa iba’t-ibang Diyosesis sa Pilipinas.
Binigyang diin ng mga Obispo ang kahalagahan ng pakikiisa sa Walk for Life upang maipabatid sa pamahalaan na maraming Filipino ang patuloy na naninindigan sa kasagraduhan ng buhay.
Ayon kay Diocese of Cubao Bishop Honesto Ongtioco, marami sa kasalukuyan ang nagiging biktima ng karahasan at kawalan ng katarungan kaya mahalagang mayroong manindigan upang ipaglaban ang karapatan sa buhay ng bawat tao.
“Kailangan lagi natin ipagtanggol ang buhay ng tao ang kanyang dignidad, marami ang biktima ng karahasan at kawalan ng katarungan, [kaya dapat] ipagtanggol ang buhay mula sa sinapupunan hanggang kamatayan.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Ongtioco sa Radyo Veritas.
Binigyang diin naman ni Archdiocese of Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas – dating pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, na tungkuling iniatas sa bawat tao ang pangangalaga sa buhay.
Sinabi ng Arsobispo na ito’y biyayang ipinagkaloob ng Diyos na nararapat na protektahan at itaguyod ng mga tao.
“We are here because God has given us life and because God has given us this life, it is our duty to protect it.” Bahagi ng mensahe ni Archbishop Villegas.
Naniniwala naman si Diocese of Imus Bishop Reynaldo Evangelista na sa pamamagitan ng Walk for Life ay maipakikita ang paninindigan ng simbahan at ng bawat tao para sa biyaya ng buhay mula sa sinapupunan hanggang sa pagtatapos sa natural na kamatayan.
“Ating ipagtanggol ang buhay at ating pangalagaan ang buhay mula sa sinapupunan hanggang sa ang buong sambayanan ay maitaguyod ito.” Mensahe ni Bishop Evangelista.
Ang Walk For Life 2019 ang ikatlong taon ng pagsasagawa ng naturang pagtitipon sa pangunguna ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas.
Sa inisyal na pagtataya umabot na sa 4,390 ang mga kumpirmadong lalahok dito subalit inaasahang aabot sa 10,000 ang mananampalatayang dadalo sa mismong araw ng pagtitipon.
Sa Metro Manila, isasagawa ang Walk for Life sa Quezon Memorial Circle na pangungunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
Sa Northern Luzon ay kasabay na magsasagawa nito ang Archdiocese of Lingayen, Dagupan sa St. John the Evangelist Cathedral, at ang Diocese of Tarlac sa Tarlac City Plazuela.
Ang mga mananampalataya naman ng Archdiocese of Cebu ay magtitipon-tipon sa Fuente Osmeña Circle patungo sa Cebu Metropolitan Cathedral.
Isasagawa naman sa tatlong lugar ng Palo Metropolitan Cathedral, Ormoc City at Palompon Leyte, ang Walk for Life sa Archdiocese of Palo.
Samantala, sa bahagi ng Mindanao, ay pangungunahan ng Archdiocese of Cagayan De Oro ang pagtitipon ng mga mananampalataya sa Provincial Capitol Grounds, Cagayan De Oro City.