313 total views
August 19, 2020
Tungkulin ng mga Kristiyano na pangalagaan ang lahat ng uri ng buhay na ipinagkaloob ng Panginoon.
Ito ang paalala ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) sa patuloy na karahasan at mga pagpaslang na nagaganap sa bansa kasunod na rin ng ikatlong anibersaryo ng pagkamatay ni Kian Loyd Delos Santos.
Ayon kay AMRSP Co-Executive Secretary Rev. Fr. Angel Cortez, OFM ang ikatlong anibersaryo ng pagkamatay ng labing-pitong taong gulang na biktima ng marahas na War on Drugs ng pamahalaan ay isang paalala sa bawat Kristiyano’t mananampalataya na patuloy na kundinahin at manindigan laban sa sistema at kultura ng karahasan at patayan na nagaganap sa lipunan.
Sinabi ng Pari na bahagi din ng paninindigan ang pagtutol sa planong pagbabalik ng capital punishment o death penalty sa Pilipinas.
Iginiit ni Fr. Cortez na hindi nagbabago ang posisyon ng Simbahan sa pagpapaalala na kasalanan ang pagpatay sapagkat tanging ang Diyos lamang ang may karapatang bumawi sa buhay na kanyang ipinagkaloob,
“Sa ikatlong anibersaryo ng kanyang [Kian Loyd Delos Santos] kamatayan ipinaaalala sa atin bilang mga Kristiyano at mananampalataya na tayo ay may tungkuling pangalagaan ang lahat ng may buhay sa lahat ng porma at uri nito. Kaya dapat natin kundinahin ang patuloy na kultura ng patayan sa ating bansa at tutulan ang planong ibalik ang death penalty.” pahayag ni Fr. Cortez sa panayam sa Radyo Veritas.
Inihayag ng Pari na si Kian Loyd Delos Santos ang kumakatawan sa libo-libong biktima ng extrajudicial killings sa ilalim ng Oplan Tokhang na War on Drugs ng pamahalaan.
Naniniwala si Fr. Cortez na nagbibigay pag-asa ang pagpatay kay Kian para sa iba pang mga biktima ng karahasan at kanilang pamilya na patuloy na naghahanap ng kataraungan.
Si Kian ay pinatay ng mga kawani ng Caloocan City Police noong Agosto 16, 2017 sa Barangay Santa Quiteria.
Sa tala ng World Organization Against Torture at ng Children’s Legal Rights and Development Center ay isa lamang si Kian sa hindi bababa sa 129 na menor de edad na napaslang sa apat na taong War on Drugs ng administrasyon Duterte.