270 total views
Duda ang IBON Foundation sa panukalang dagdag buwis sa mga sugar-sweetened beverages (SSBs) na bahagi
ng “Tax Reform Program” na isinusulong ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay IBON Executive Director Sonny Africa, nais lamang ng gobyerno na kumita ng malaking halaga sa pamamagitan ng nasabing programa na pinaniniwalaang magbibigay ng panibagong kalbaryo sa mga mahihirap.
“Tingin namin, diversionary tactics lang ng DOF (Department of Finance)para pagtakpan ‘yung realidad [na] gusto nilang kumita sa pinakamabilis na paraan at ‘yung sweetened beverages, oil taxes at ‘yung expansion ng VAT, ‘yun para sa kanila ang pinakamadaling gawin sa halip na sakalin yung mga mahihirap [ay dapat] singilin ang mga mayayaman at ‘yung malalaking kumpanya,” pahayag ni Africa.
Sa ilalim ng tax reform program, 10-piso ang itataas ng bawat litro ng matatamis na inumin kabilang na ang soft drinks, kape at energy drinks.
Kaugnay nito ay iginiit ni Africa na hindi ang mga SSB’s ang dahilan sa obesity sa bansa kaiba sa sinasabi ng pamahalaan at magiging pasanin lang ng mga ordinaryong Filipino kung maaaprubahan ang tax reform program.
“May mga pag-aaral naman na hindi talaga ‘yung sweetened beverages ang cause ng obesity sa Pilipinas. Strategy lang nila ‘yan na sinasabi na nakakatulong sa kalusugan ng mga Pilipino, kasi di hamak ang mas di makakatulong sa kalusugan ng mga Pilipino [ay ang] magpasan sila ng gastusin para sa pang araw araw nilang bilihin.,” dagdag pa nito.
Sinasabing pangunahing tutugon sa pagpopondo ng may nasa 8-trilyong proyektong pang-imprastruktura sa bansa ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion Bill na isinusulong ng kasalukuyang administrasyon.
Sa ulat, mababatid na ipinapatupad na sa mga bansang Cambodia, Malaysia, Thailand, Mexico, France at maging sa Estados Unidos ang nasabing panukala.
Unang nang binigyang-diin ng Kanyang Kabanalan Francisco ang pagsasalang-alang ng kapakanan ng mga mahihirap sa paglikha ng mga proyekto at programang pambansa.