334 total views
Pandaraya sa taumbayan ang panukalang tax reform program.
Ito ang binigyang-diin ni Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER) Founding board Member Sr. Emelina Villegas, ICM.
Ayon kay Sr. Villegas, anti-poor at mapanlinlang ang programa na nais ipatupad ng pamahalaan dahil tanging mayayaman lamang ang makikinabang dito habang mahihirap na mamamayan naman ang talo.
Kung papaboran ng Senado ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) bill o House Bill 5636, ang isang empleyado na kumikita ng mas mababa sa 250-libong piso kada taon ay hindi na kakailanganin pang magbayad ng income tax subalit tataasan naman ang buwis sa mga produktong petrolyo at sweetened beverages tulad ng softdrinks, kape at energy drinks.
“Ang tinatawag nating progressive tax reform, natutulungan talaga yung majority of the people. Hindi mo nga sila ita-tax sa suweldo nila pero mataas naman ang tax sa kinakain nila sa araw-araw, walang kuwenta iyon. That’s what you call hidden tax. In a way, it is cheating the people,” pahayag ni Sr. Villegas.
Sinasabing ang salaping kikitain sa tax reform program ang siyang susuporta sa pagsasakatuparan ng 8-trilyong pisong infrastructure project ng kasakuluyang administrasyon na magbibigay aniya ng libu-libong trabaho sa mga Filipino.
“Magkakaroon nga ng trabaho pero minimal ang effect niyan sa mga tao pero hindi nila magagamit ang mga infrastructure na yan kasi wala silang sasakyan, wala silang business. It will give them jobs but it will not increase their income in a way. Yung mga infrastructure na iyan, maganda yan, nakakabilib pero it will not give them more [benefits],” dagdag ng madre.
Inaprubahan na ng Mababang Kapulungan noong Hunyo ang House Bill 5636.
Nauna rito, tinawag ng IBON Foundation na diversionary tactics lamang ang tax reform program ng administrasyong Duterte.
Read:
Tax reform program ng administrasyong Duterte, tinawag na diversionary tactics
Sa katuruang panlipunan ng Simbahang Katolika, mahalagang isaalang-alang ang kabutihang pangkalahatan sa anumang reporma na gagawin ng pamahalaan.