167 total views
Kinilala ng teachers group ang pagbanggit ng Pangulong Rodrigo Duterte sa karagdagang pasahod sa mga guro sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address.
Gayunman, inihayag ni Benjo Basas, national chairperson ng Teachers Dignity Coalition na hindi ito ang inaasahan ng mga guro na pamamaraan sa pagtataas ng sahod tulad ng ginawa ng pangulo sa mga uniformed personnel.
“Iba po yung binabanggit niya [Pangulong Duterte] sapagkat hindi po yun yung hinihingi namin [mga guro] na dapat sana ay tama; yung kasalukuyan na salary standardization law, yun yung sinasabi naming dapat na tama,” pahayag ni Basas sa Radio Veritas.
Tinukoy ni Basas na ang binabanggit ng Pangulong Duterte na Salary Standardization Law ay nakabatay sa SSL na ipinatupad noong 1989 kung saan napabilang ang mga guro sa may pinakamababang puwesto ng mga propesyunal sa pamahalaan.
Sinabi ni Basas na kabilang sa SSL na ito ang mga civilian employee tulad ng mga nars at kawani ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan.
Sa kabila nito nagpasalamat ang grupo sa pahayag ng Pangulo hinggil sa pagtataas ng sahod na unang inasahan ng mga guro nang umupo si Pangulong Duterte noong 2016.
Patuloy pa ring nananawagan ang TDC sa gobyerno na iwasto ang sistema ng pasahod sa mga guro sa Pilipinas at bigyang halaga ang kanilang sektor na nangunguna sa paghuhubog ng mga kabataan na maging bahagi ng lipunan.
Iginiit ng grupo ang P10, 000 pagtaas ng kanilang sahod upang masuportahan din ang pangangailangan ng mga guro na kadalasang gumagastos mula sa sariling bulsa para sa ilang kagamitan sa eskwelahan.
Sa ensiklikal ni Saint Paul VI na ‘Declaration on Christian Education’ binigyan diin na ang lahat ng mamamayan sa kabila ng pagkakaiba ng pananampalataya, pananaw at lahi ay may karapatang sa sapat na edukasyon hindi lamang para sa kaalaman kundi ang paghubog sa pagkatao.