1,020 total views
Huwag kalimutan ang mga guro sa paghahanda ngayong pasukan.
Ito ang panawagan ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) sa pamahalaan na abala sa pagsasaayos ng mga pasilidad ng paaralan at ng seguridad ng mga mag-aaral.
Ayon kay Benjo Basas – Chairperson ng TDC, mahalaga ang mga silid-aralan, at iba pang pasilidad sa eskwelahan, subalit kinakailangang alalahanin na isa rin sa pinaka mahalagang dapat ihanda at suportahan ay ang mga guro na nagtuturo sa mga bata.
Giit ni Basas karapatan ng mga guro na makakuha ng maayos na benepisyo at sapat na sweldo dahil sa hirap ng kanilang trabaho.
Muling iginiit ng TDC ang pagtataas ng sahod ng mga guro at ang pagkakaloob ng iba pang benepisyo gayundin ang pagsasaayos sa GSIS at implementasyon ng Magna Carta for Teachers.
“While the DepEd is preparing for everything from classrooms, facilities and school security, it seems to forget the single most important factor in the learning process- our teachers. The welfare concerns of the teachers should be addressed as well- by advocating for immediate salary increase, fixing the GSIS mess and ordering the implementation of the Magna Carta for Teachers,” mensahe ni Basas sa Radyo Veritas.
Ngayong ika-3 ng hunyo inaasahan na 27.8 milyong mga mag-aaral ang papasok sa eskwela.
Sa ensiklikal ni Pope Paul VI na ‘Declaration on Christian Education’ binigyan diin na ang lahat ng mamamayan sa kabila ng pagkakaiba ng pananampalataya, pananaw at lahi ay may karapatang sa sapat na edukasyon hindi lamang para sa kaalaman kundi ang paghubog sa pagkatao.