47,101 total views
Umapela ang Teachers’ Dignity Coalition sa inilatag na school calendar sa papasok na taong-panuruan ng Department of Education sa ilalim ng bagong administrasyon.
Ayon kay TDC chairperson Benjo Basas, ang planong pagbubukas ng klase sa August 22 ay hindi sapat para magkaroon ng pahinga ang mga guro mula sa katatapos lang na school-year.
Paliwanag ni Basas, marami pa ring ginagampanan ang mga guro sa kasalukuyan tulad ng tatlong linggong remedial at enrichment classes, paghahanda sa Brigada Eskuwela, at maging ang Oplan Balik-eskuwela.
Nagtapos ang school year 2021-2022 noong June 24.
Nanindigan ang TDC na bahagi ng karapatan ng mga guro ang dalawang buwang school break bago magsimula ang panibagong school-year.
“Itong hinihingi po naming extension ay hindi lang naman ‘to gusto naming hingiin dahil tinatamad kami kundi dahil po– well this is a matter of right– karapatan po namin na mabigyan po ng [school] break na at least in between two academic years meron po kaming at least 60 days dapat,” paliwanag ni Basas.
Ayon sa Department Order No. 34 ng DepEd, magsisimula ang S.Y. 2022-2023 sa August 22 ngayong taon at magtatapos sa July 7, 2023.
Panawagan ni Basas kay DepEd Secretary at Vice President Sara Duterte na iurong na lamang sa kalagitnaan ng September ang pagbubukas ng klase.
“Kami nga po okay na kami sa mid-September and historically nu’ng 2020 ay October nga tayo nagbukas ng klase [at ] nu’ng 2021 naman September 13. Bakit pa natin ito mamadaliin, lalo na ngayon kasi mas matindi po ‘yung pangangailangan po na preparation,” ani TDC chairperson.
Bukod sa hiling na bakasyon at sapat na oras para makapaghanda ang mga guro ‘mentally, physically, at emotionally,’ ipinaliwanag ng grupo ng mga guro na kinakailangan din ng paghahanda sa classroom management, transportation system, at vaccination status ng mga mag-aaral at mga guro bago magsimula ang full face-to-face classes.
Umaasa si Basas na magkaroon ng pulong sa pagitan ng mga guro at DepEd upang maipabatid ang kahilingan ng guro at maging ang mga mag-aaral.
Ayon sa guidelines ng Department Order No. 34, hanggang October 31 maaring isagawa ng paaralan ang blended learning modality na may 3 araw na in-person classes at 2 araw na virtual classes.
Itinakda naman ng DepEd na ang lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa November 2 ay kinakailangan nang magkaroon ng limang araw na in-person classes kada linggo, maliban na lamang sa paaralang magpapatupad ng “alternative delivery modes. | with News Intern – Chris Agustin