256 total views
Nagpaabot ng pasasalamat ang Malacanang sa patuloy na tiwalang ipinagkakaloob ng mga mamamayan sa pamamahala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bansa.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, magsisilbing hamon ang malaking tiwalang ito ng taumbayan sa lahat ng mga opisyal ng pamahalaan upang ipagpatuloy at pangatawanan ang reform agenda na “Tunay na Pagbabago” ni Pangulong Duterte partikular na sa pagsugpo ng ilegal na droga, kriminalidad at kurapsiyon sa lipunan kasabay ng puspusang pagtiyak sa patuloy na paglago ng ekonomiya ng bansa.
“This will further motivate his administration to continue what he started in his first 100 days–fighting illegal drugs and crime, combating terrorism, curbing corruption, and sustaining the momentum of economic growth. This also validates the people’s full support for his reform agenda of “tunay na pagbabago” or real change that swept him to the presidency in the May election…” pahayag ni Andanar.
Kaugnay nito, sa panibagong Social Weather Station survey na isinagawa mula September 24 hanggang 27, lumabas na sa 1,200 na respondents, 8 porsyento lamang ang nagsabing hindi sila nagtitiwala sa Pangulo habang 83-porsyento naman ang may malaking tiwala kay Pangulong Duterte, na katumbas ng (Positive)+76 Net Trust Rating na nasa excellent category.
Sa parehong survey, lumabas rin na tiwala at kuntento ang nasa 84 na porsiyento ng mga respondents sa mas pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga sa kabila ng iba’t ibang usapin kaugnay nito tulad ng Extra-Judicial Killings.
Samantala, una nang nagpahayag ng pagsuporta ang Simbahang Katolika sa layunin ng kasalukuyang Administrasyon na masugpo ang ilegal na droga at kriminalidad sa bansa, ngunit binigyang diing hindi nararapat malabag ang ano mang karapatan ng mga mamamayan higit sa lahat ay kitilin ang buhay ng mga lumabag sa batas at maging ng mga hinihinalang sangkot sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.