1,562 total views
Kapanalig, dahil sa pandemya, biglaan at agarang nagshift o lumipat ang mga tao sa online banking at payment schemes. Ang kalakalan sa bansa ay nagbago na. pati palengke, online na rin. Kaya lamang, ang pangyayaring ito ay nagpakita na malawak pang digital divide sa ating bansa.
Kailangan natin masiguro na inklusibo ang ating sistemang pang-pinansyal. Kung pagbabatayan ang datos mula sa Central Bank, marami pa tayong kailangan gawin upang matiyak na lahat tayo ay maisama sa shift o paglipat tungo sa digital financing system at e-commerce.
Ayon sa 2019 Financial Inclusion Survey ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), higit pa sa 51 milyong Filipino adults ang “unbanked” dahil sa kawalan ng pera, kawalan ng mga documentary requirements, at pati na rin kawalan ng interes o kagustuhang magdeposito sa bangko. 45% ng mga unbanked ang nagsabi na ang pangunahin nilang rason ay kawalan talaga ng pera at 27% naman ang nagsabi na hindi nila kailangan ang bank account. Nakita rin sa survey kapanalig, na 40% mga adults edad 15 pataas ay mababa ang kamalayan ukol sa basic deposit account.
Sayang naman, kapanalig, ang mga benepisyong matatanggap mula sa digital financing system kung hindi makikinabang ang lahat o kahit nakakaraming Filipino. Kung tutuusin, mas marami sana ang makakasama dito dahil kasama sa digital financial system ang mga smart phones o celphones. 60% ng mga adult Filipinos, base sa survey ng BSP, ay mayroon namang smart phones, at pito sa sampung Filipino na walang bank account ay may cellphone din naman.
Kailangan mas mapalawig pa natin ang pagbibigay impormasyon. Marami ang hindi nakaka-alam ngayon na mayroon ng mga virtual banks kung saan maari tayong maka-open ng savings account na hindi na kailangan pang pumunta sa bangko. Sa mga virtual banks na ito, kahit sino ay maaring magtransfer ng pondo, magbayad ng mga bills o bayarin, pati utang gamit ang smart phone lamang. Marami na ring available na e-wallets sa ating bansa na magagamit ng mas maraming mamamayan para mamili, magpadala ng remittance, at magbayad ng bills.
Kapanalig, ang mga ganitong plataporma ay mahalaga sa ating panahon ngayon. Kung mas maraming makaka-alam kung paano magagamit ang mga mga online banking and payment systems, mas maraming Filipino ang makikinabang. Ang ayuda ng pamahalaan, halimbawa, ay maari ng mapadala dito- bawas sa pila at mga logistical problems gaya ng venue ng distribusyon, pagsalin ng malaking halaga ng pera sa iba-ibang tao, at iba pa. Ginagawa nitong inklusibo ang pagsulong ng bansa-mas madali at mas marami ang makakasama sa muling pagbangon ng kalakalan.
Mahalaga ang mga sistemang ganito dahil manipestasyon ito kung paano natin maisasabuhay ang prinsipyo ng pantay-pantay na dignidad at karapatan ng tao. Ayon sa Gaudium Et Spes, our equal dignity as persons demands that we strive for fairer and more humane conditions. Pakinggan natin ito upang masiguro natin na wala ni isa sa atin ang maiiwan sa muling pagbangon ng bayan.
Sumainyo ang Katotohanan.