210 total views
Hindi na umaasa si Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano na maipaglalaban pa ng Pilipinas ang karapatan sa pinag-aagawang West Philippine Sea.
Iginiit ng mambabatas na nakatali na ang kamay ng Pangulong Rodrigo Duterte idahil sa bilyung-bilyon dolyar na investment na ipinasok ng China at inaalok na tulong pinansyal sa Pilipinas.
“Sabi n’ya itatakle natin ang ating karapatan sa West Philippine Sea pero hanggang doon na lang, dahil ang kanyang focus ay kumuha ng investment sa China. Ako ay doubt na makapag-assert pa tayo ng ating karapatan sa West Philippine Sea dahil niyakap na natin ang China… Kung sinabi natin na ibalik yung Balanggiga [Bells] I agree pero dapat yung Spratly at yung Panatag Shoal ay ibalik din,” ani Alejano.
Sa kanyang business trip sa China noong nakaraang taon, umabot sa mahigit 24-bilyong dolyar ang kabuuang investment na naiuwi ni Pangulong Duterte sa bansa na sinasabing magpapalakas sa larangan ng imprastraktura, agrikultura, turismo at komunikasyon.
Inihayag din ni Alejano ang mariing pagtutol sa Independent Foreign Policy at sa pagsasawalang kibo ng pangulo sa Bangsamoro Basic Law (BBL).
Sa isinagawang press conference pagkatapos ng kanyang State of the Nation Address (SONA), inihayag ni Pangulong Duterte na handa ang Pilipinas at China na magsagawa ng isang joint venture upang saliksikin ang West Philippine Sea.
Magugunitang isang taon na ang nakalipas matapos ilabas ng permanent court of arbitration ang desisyon na nagsasabing ang ilang bahagi ng South China Sea ay saklaw ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Hulyo 2015 nang nagpalabas ng Oratio Imperata ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na nananawagan sa mga mananampalataya na mag-alay ng panalangin para sa payapang paglutas sa territorial dispute sa West Philippine Sea.