3,245 total views
Iginiit ng Santo Papa Francisco na walang maidudulot na mabuti sa lipunan ang terorismo.
Ayon sa santo papa lalong magpalala sa hidwaan ang anumang uri ng karahasan tulad ng nangyaring kaguluhan sa pagitan ng Israel at Hamas militant group ng Palestina sa Gaza strip.
“Terrorism and extremism do not help reach a solution to the conflict between Israelis and Palestinians, but fuel hatred, violence, revenge, and only cause each to other suffer.” bahagi ng pahayag ni Pope Francis.
Apela ng punong pastol ng simbahan sa militanteng grupong Hamas na palayain ang mga dinukot na inosenteng indibidwal.
Nabahala si Pope Francis sa kalagayan ng 150 kataong hostage ng Hamas sa Gaza mula nang sumiklab ang kaguluhan sa lugar noong October 7.
Sa kasalukuyang datos nasa 1, 100 ang nasawi sa Gaza nang gumanti ang Israel sa pang-atake ng Hamas habang iniulat ng Israel ang 1, 200 nasawing mamamayan.
Ayon naman kay Israel Defense Force spokesperson Lt. Col. Jonathan Conricus mahigit 300, 000 reservist ang nakahimpil sa southern border ng bansa kabilang na rito ang 50 mga Pilipinong kasapi ng IDF.
Iginiit ni Pope Francis na bukod tanging dayalogo ang daan upang makamtan ang pagkakasundo ng pamayanan.
“The Middle East does not need war, but peace, a peace built on dialogue and the courage of fraternity.” ani Pope Francis.
Tiniyak din ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mga panalangin para sa kaayusan ng Israel at Palestina gayundin sa 30, 000 Overseas Filipino Workers sa lugar.
Sinabi naman ng embahada ng Pilipinas sa Tel Aviv na 23 sa 29 na nawawalang Pilipino ang na-rescue at kasalukuyang nasa kanilang pangangalaga.