1,209 total views
Walang lugar sa ating lipunan ang terorismo at hindi ito nararapat na magtagumpay.
Ito ang binigyang diin ni Nueva Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona – Chairman ng CBCP-NASSA – Caritas Philippines kaugnay sa banta ng kaguluhan, kapahamakan at terorismo sa bansa matapos ang pambobomba sa Roxas night market Davao City kung saan 14 ang namatay habang higit 60-katao ang sugatan.
Bukod dito, nag-alay rin ng panalangin, pakikidalamhati at pakikiramay ang Arsobispo sa lahat ng mga naiwang mahal sa buhay ng mga nasawi.
Ipinanalangin naman ni Archbishop Tirona ang pagsisisi at pagbabalik loob ng mga utak ng karahasan na naghahasik ng pananakot at pangamba sa buhay at kaligtasan ng mga inosenteng mamamayan.
“Unang-una sa lahat nakikiramay kami at nakakalungkot talaga ang nangyari sa Davao.Yung mga ganitong bagay na gawa ng mga terorista, walang lugar yan sa ating lipunan at hindi natin dapat payagan yan at sana makunsensya yung mga gumawa niyan ano, kaya sabi ko nga nakikiramay tayo sa mga nawalan ng mahal sa buhay at patuloy tayong manalangin para sa kanila…” pahayag ni Archbishop Tirona sa panayam ng Radio Veritas.
Binigyang diin pa ng Arsobispo, na nararapat na maging matapang at malakas ang loob ng sambayanan sapagkat tuwirang nananaig ang katarungan ng Panginoon.
Panawagan ni Archbishop Tirona, dapat na magkaisa at sama-samang maging vigilant o mapagbantay ang mga mamamayan upang matiyak ang kaligtasan, kaayusan at kapayapaan sa bayan at hindi magtagumpay ang masasamang plano ng iilan.
“magkaroon sana sila ng lakas ng loob ang katarungan ng Panginoon ay ang magwawagi okey, kaya isa ring paalala sa atin na yung nga maging vigilant tayo kasi alam natin na ang masasamang loob ay kumikilos yan pag tayo masyado tayo nakampante kaya maging vigilant tayo, maging responsible citizens tayo at higit sa lahat sa pamumuhay natin at sa pagtutulungan natin ipahayag natin na mas magkakabunga ang kapayapaan at pagkakaisa rather than yung mga ganyang masasamang conspiracy tulad ng mga ginagawa ng mga terorista…” Panawagan ni Archbishop Tirona.
Kaugnay nito, bago magtungong Laos ay pormal na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Proclamation No. 55 o proklamasyon ng State of National Emergency na nagpapahiwatig sa malubhang pinagdadaanan ng bansa.
Sa kabila nito, una nang nilinaw ni Rev. Fr. Ranhilio Aquino, Dean ng San Beda College Graduate School of Law at maging ng Malacanang na walang inaalis na karapatang pantao ang pamahalaan sa bawat mamamayan sa halip ay tinatawagan lamang ang hukbong Sandatahang Pilipinas upang tulungan at ayudahan ang hanay ng mga pulis na tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng mga mamamayan sa gitna ng banta ng terorismo sa bansa.
Sa tala, sa nakalipas na 12 taon hanggang 2013, mahigit na sa 300 indibidwal ang nasawi sa mahigit 60 insidente ng pambobomba kung saan 6 dito naganap sa Davao region habang batay naman sa pagsusuri ng Global Terrorism Index noong 2013, pang-siyam ang Pilipinas sa mga bansang lubhang naaapektuhan ng terorismo na kagagawan ng mga grupong New People’s Army (NPA), Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Abu Sayaf Group na gumagawa ng mga serye ng suicide bombing bilang taktika ng pag-atake.