1,613 total views
Umapela si Senator Risa Hontiveros kay Representative Arnolfo Teves Jr. na humarap sa imbestigasyon ng senado sa pagkadawit sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Iginiit ng mambabatas na hindi angkop ang virtual na pakikilahok ni Teves sapagkat hindi ito naaayon sa proseso.
“Para kay Rep. [Arnolfo] Teves, sana ay umuwi ka na para harapin ang mga isyu at kasong ipinupukol sa iyo. Sir, sa ikapapanatag ng lahat sana po ay magpakita ka dito sa ating hearing physically at hindi virtually,” ani Hontiveros.
Naantala ang pagdinig ng senado sa pangunguna ni Senator Ronald Dela Rosa ng Senate Committee on public order dahil hindi matukoy ang lugar na kinaroroonan ni Teves.
Sinabi ni Hontiveros na kabilang sa basic procedure ng pagdinig kung nasa ibayong dagat ang sangkot na indibidwal ay kinakailangang manunumpa ito sa embahada o konsulado ng Pilipinas.
Tinuran ng mambabatas ang kahalagahan ng imbestigasyon sa karumal-dumal na pagpatay kay Degamo para sa kaligtasan ng mamamayan at kapayapaan ng buong bansa.
“So, along with the unsolved murders of journalists, advocates, and even ordinary citizens, it seems none of us are safe – not even the people in this room,” ani Hontiveros.
Tinukoy din ni Hontiveros ang sunod-sunod na pagpaslang sa mga lider ng pamahalaan tulad ng mga alkalde at barnagay officials mula nang matapos ang 2022 elections.
March 4, 2023 nang mangyari ang Pamplona massacre na ikinasawi ni Degamo at walong iba pang indibidwal kung saan nasa sampung indibidwal na ang hawak ng Philippine National Police na karamihan ay tiwaling kawani ng security forces ng bansa.
Naniniwala si Hontiveros na ang pagdinig ng senado ay mabuting hakbang upang mabigyang kapanatagan ang bawat Pilipino lalo na sa usaping kaligtasan.
Una nang nanawagan ang simbahang katolika sa mga lider ng bansa na paigtingin ang imbestigasyon para mabigyang katarungan ang bawat biktima ng karahasan gayundin ang pagpapaigting sa peace and order sa kapakinabangan ng mga Pilipino.